175 total views
Labindalawang ‘prayer stations’ ang ilalagay ng pamunuan ng Minor Basilica of the Black Nazarene sa ruta ng Traslacion 2018.
Ito ang isa sa pagbabago sa taunang prusisyon na isinasagawa tuwing ika-9 ng Enero ng kapistahan ng Traslacion ng Poong Hesus Nazareno sa Quiapo church.
Tema ngayong taon ang Daan, Katotohanan at Buhay na ayon kay Fr. Douglas Badong Parochial Vicar ng Quiapo Church ay layong mapag-ibayo ang ispirituwalidad ng mga deboto ng Nazareno.
Kabilang sa mga prayer station ay ang Katigbak drive; Padre Burgos; National Museum; Manila City hall; Lawton; Sta. Cruz church; Arlegui; Manuel Luis Quezon University (MLQU); San Sebastian church; De Guzman St at sa Globo De Oro.
Ayon kay Fr. Badong, hihinto sa bawat ‘prayer station’ ang Poon habang nagdarasal ng ‘Rosaryo’ ang mga deboto at isang awit din ang iaalay sa pag-usad pabalik ng simbahan ng Quiapo. Bukod dito, dalawang tulay din ang hindi na daraanan ng prusisyon, upang matiyak ang kaligtasan ng mga deboto ito ay ang Lagusnilad at ang Clover leaf.
Mula sa Quirino Grandstand, kakaliwa (mag-couter flow) sa halip na kanan ang prusisyon at ipagbabawal na rin ang paghihintay ng mga tao sa Jones bridge. Ayon naman kay Msgr. Hernando Coronel, pinasimulan na rin ng Quiapo Church ang ‘novena masses’ na nagsimula noong Dec.31 hanggang Jan.8.
Magkakaroon din ng ‘overnight vigil’ sa Quirino grandstand kung saan isasagawa ang tradisyunal na pahalik, hatinggabi ang misa na pangungunahan naman Msgr. Hernando Coronel, rector ng Quiapo Church at ang pagninilay ay isasagawa naman ni Manila Archbishop Luis Antonio Cardinal Tagle o ang ‘holy hour’ na susundan ng programa kabilang dito ang pagpapatotoo ng mga ilang kilalang personalidad na mga deboto ng Nazareno.
Alas-6 ng umaga ng January 9, magkakaroon ng morning prayer na siyang susundan ng prusisyon mula Quirino Grandstand pabalik ng simbahan ng Quiapo.
Sa simbahan naman ng Quiapo, magsasagawa ng katekesis at pagsama, habang magsisimula ang misa dakong 3 ng madaling araw hanggang sa makabalik ang Poon sa loob ng simbahan.
Taong 2017, umaabot sa 18 milyong deboto ang nakiisa sa kapistahan ng Traslacion ng Poong Hesus Nazareno, kung saan umabot sa 21 oras bago naibalik ng simbahan ang Poon.
“Iyan talaga ang lihim ng Nazareno, kahit mula sa malayo ang mga deboto talagang darating sila. At tayo ay nabibighani sa ipinapakitang pananampalataya. Hindi ko maipaliwanag ang mga milagro na kanilang nararanasan. At kaya tayo narito ay para lamang maisaayos ang pagdiriwang,” ayon kay Msgr. Coronel.
Sinabi naman ni Fr. Badong na hindi mahalaga kung matagal mang makabalik ang Poon kundi ang dapat pagsikapan ay matiyak na walang masasaktan at payapa itong makakabalik ng simbahan.
“Hindi naman kailangang madaliin. Walang problema kahit na tumagal ang mahalaga ay walang madisgrasya. Kung gusto Niyang (Poon) bumalik ng mas maaga, makababalik Siya ng mas maaga,” ayon kay Fr. Badong.
Tiniyak naman ng Philippine National Police (PNP) na wala silang natatanggap na banta laban sa isasagawang prusisyon, bagama’t tiniyak na palaging nakahanda ang pulisya.
Sa ulat, may higit sa 5,000 mga pulis ang itatalaga sa Quirino Grandstand at Quiapo Church kaugnay sa pagdiriwang ng Traslacion.
Kabilang sa dumalo sa press conference si Msgr. Coronel; Fr. Badong; Fr. Marvin Cruz, Vice Rector ng Quiapo Church; Alex Irasca ng Quiapo Technical Working Group; Engr. Ed Santos, DPWH-NCR; at mula sa MPD sina PSSupt Ariel Arcinas, PCInsp. Alejandro Pelias; PSupt. Lucille Faycho at Atty. Jojo Alcovenidas, City Administrator ng Maynila.