235 total views
Umapela ng pagkakaisa sa sambayanang Filipino ang Catholic Bishops Conference of the Philippines (CBCP) upang sama-samang tugunan sa positibong paraan ang problema ng bansa sa illegal na droga.
Ayon kay CBCP Vice President Kaloocan Bishop Pablo Virgillo David, ngayong taong 2018 ay napapanahon na upang magkaroon ng pagbabago sa pananaw at paraan ng pagsugpo sa problema sa illegal na droga mula sa naging marahas na pamamaraan ng pamahalaan noong nakalipas na taon.
Apela ng Obispo, sa halip na patayin ang mga drug pushers, users at runners na pawang mahihirap mula sa mga urban poor communities ay dapat silang iligtas mula sa pagiging biktima ng pagkakalulong sa ipinagbabawal na gamot.
“Iligtas natin ang mga biktima, ang mga dukha sa mga Urban Poor Communities sila po ay biktima, sila yung binibentahan ng sangkaterbang droga, ang hirap na nga ng buhay kapag nalulong pa yan sa bisyo ng droga ay lalong malulugmok sa karukhaan ang kanilang mga buhay kaya sana magkaisang pananaw tayo na ang approach natin ay positive hindi punitive…” pahayag ni Bishop David sa panayam sa Radio Veritas.
Umaasa rin ang Obispo na ngayong taon ay tuluyan ng magkakaroon ng pagbabago sa pananaw tungkol sa kahalagayan ng buhay ang sambayanan at manindigan mula sa marahas na pamamaraan ng mga otoridad sa kampanya laban sa ilegal na droga.
“Sana sa taon 2018, sana magkaisa tayo ng pananaw ano po, sana makita talaga natin ang pananaw ng kahalagahan ng buhay, ang dignidad ng buhay ng tao” apela ni Bishop David.
Sa pinakahuling tala ng Philippine Alliance of Human Rights Advocates o PAHRA, umaabot na sa higit 13-libo ang drug related cases sa bansa sa War on Drugs ng pamahalaan.
Nauna nang inihalintulad ng Kanyang Kabanalan Francisco na bagong uri ng pang-aalipin ang drug addiction na dapat tugunan ng bawat bansa sa pamamagitan ng edukasyon at rehabilitasyon dahil ang mga lulong sa droga ay mga biktima na nawalan ng kalayaan dahil sa pang-aalipin ng ipinagbabawal na gamot.