421 total views
Mahalagang maging balanse ang epekto ng pag-unlad sa kalikasan at sa mamamayan.
Ito ang paalala ni CBCP Vice President at Kalookan Bishop Pablo Virgilio David sa patuloy na pagdami ng kalat sa kapaligiran lalo na sa buong kamaynilaan.
Ayon sa Obispo, tunay na hindi masama ang pagiging moderno ng panahon dahil malaki ang naitutulong nito sa pang-araw-araw na buhay ng tao subalit kinakailangan ding balansehin ang epekto nito lalo na sa kalikasan.
“Natutuwa tayo sa modernong panahon. Sinasabi natin sa awit, “hindi na masama ang pag-unlad at malayu-layo na rin ang ating narating.” Walang duda, ganyan ang sinasabi natin sa ating sarili, na parang malayu-layo ang ating narating. Pero hindi ba sabi rin ng awit, “ngunit masdan mo ang tubig sa dagat, na dating kulay asul naging itim.” pahayag ng Obispo.
Pinaalalahanan din ni Bishop David ang bawat isa na isaisip na hindi lamang tao ang may karapatang mabuhay sa daigdig.
Iginiit ng Obispo na mahalagang igalang at bigyang pagpapahalaga ng tao ang kapaligiran, kabilang na ang mga hayop at halamang nilikha ng Diyos upang pamahalaan ng tao.
“Hindi naman masama ang pag-unlad pero sana magtrabaho tayo para sa isang pag-unlad na mulat na ang mundo ay isang tahanan para sa ating lahat. The earth is our common home at kapamilya din natin. Hindi lang tayo ang may karapatang mabuhay. Lahat ng mga nilalang ng Diyos sa ating kapaligiran dapat ituring din natin na bahagi ng pamilyang ipinagkatiwala ng Diyos sa tao na nilikha niya bilang tagapangalaga.” Dagdag pa ni Bishop David
Dahil dito, binigyang diin ng Obispo na upang maibalik sa dati ang kapaligiran at unti-unting mabawasan ang mga kalat sa paligid partikular sa Maynila ay kinakailangang paigtingin ang implementasyon ng R.A. 9003 o Ecological Solid Waste Management Act.
Sa unang pagtataya ng Metro Manila Development Authority aabot sa 48 mga truck ng basura ang nahakot mula sa iba’t-ibang pasyalan sa Metro Manila habang nakapagtala naman ng 45 truck ng basurang nahakot mula sa Divisoria.
Samantala, batay sa National Solid Waste Management Commission, ang buong Metro Manila ay nakalilikha ng 9,213 tonelada ng basura kada araw kung saan ang 52% nito ay biodegradable, 41% ang recyclable at 7% ang residuals.
Sa kabuuan ang buong bansa ay nakalilikha ng tinatayang 40,087 tonelada ng basura kada araw.