5,794 total views
Mga minamahal na kapatid sa Panginoong Hesukristo. Una po sa lahat, magpasalamat tayo sa Diyos, siya po ang nagtipon sa atin itong mga mga nakaraang araw pa, hanggang ngayon, hanggang mamaya.
Upang bilang isang sambayanan, tayo ay kanyang mapanibago ng kanyang salita, nang kanyang espiritu ng kanyang presensiya. Nagpapasalamat po tayo sa Panginoon sa magandang panahon. Nagpapasalamat din po tayo sa lakas ng katawan, tibay ng loob na pinagkaloob sa atin.
At tayo po ay nagpapasalamat dahil kapiling natin ang ating bagong Apostolic Nuncio na pinadala po ng ating Santo Papa, Pope Francis bilang kanyang kinatawan dito sa Pilipinas. Kaya iwelcome po natin si Archbishop Gabriele Caccia.
Salamat din po sa ating mga lingkod bayan, sa atin pong kapulisan, sa lahat po nang nagmamalasakit upang maging maayos, mapayapa ang ating pagdiriwang sa taong ito.
At samantalang tayo po ay nagdiriwang, h‘wag po nating kakalimutan, h‘wag po nating ihihiwalay sa ating sarili ang mga kapatid natin na nagdurusa, mga kapatid natin na nasalanta ng mga bagyo, mga kapatid natin sa Marawi na nagpapasan ng kanilang mga krus. Makiisa po tayo sa kanila.
Atin po silang buhatin at ilakbay, kasama ng pakikipaglakbay ni Hesus sa atin, pasan pasan din ang ating mga krus. Traslacion, ibig sabihin po paglilipat. Mahigit na tatlong daang taon na po ang nakararaan na ang imahe ng Poong Hesus Nazareno ay inilipat mula sa isang simbahan dito sa Bagumbayan patungo sa kanyang tahanan sa Quiapo.
Paglipat. Paglalakbay. Tayo pong lahat naglalakbay din. Marami po sa atin, palipat lipat din. Katulad ng mga Israelita sa unang pagbasa nagpalipat lipat sila, naglakbay, subalit pinanghinaan ng loob.
Ang isang mensahe sa atin, t’wing traslacion, t’wing lipatan, t’wing pagkilos at paglalakbay ‘wag panghinaan ng loob dahil mayroong nakikipaglakbay sa atin, si Hesus. Kasama natin lagi sa mga translacion ng ating buhay.
Sino ba si Hesus? Sino itong tinatawag nating Nazareno? Ayon po sa ebanghelyo ni San Juan, Pagkatapos na makilala ni Felipe si Hesus, sinabi niya kay natanael “natagpuan namin ang Mesiyas, si Hesus na taga Nazaret” ang sagot ni Natanael, “Taga saan? Taga nazaret? Meron ban a maganda na manggagaling sa Nazaret?” Parang tinanong na rin niya, meron bang mabuting Nazareno?
Meron bang mabuting nazarena? Meron bang mabuting mangagaling sa Nazaret? Ang sagot po natin sa taong ito, si Hesus, siya, taga Nazaret, Nazareno, Siya ang daan, katotohanan at buhay.
Sana naman nababasa natin, dito sa ating tarpaulin sa likod. Siya ang daan, ang katotohanan, ang buhay. Daan. Patungo saan? Sabi ni Hesus, walang makakarating sa Diyos Ama kung hindi sa pamamagitan Niya. Siya ang daan patungo sa Diyos Ama.
Kapag si Hesus ang ating sinundan kapag siya ang pinili nating daan isa lamang ang ating patutunguhan, walang iba kundi ang Diyos. Pero si Hesus ay daan patungo sa Diyos dahil Siya ang Katotohanan. Si Hesus ang nagpapahayag ng mukha ng Diyos na totoo.
Si Hesus ang mukha ng tunay na Diyos, Bakit? Sapagkat sabi rin ni Hesus “ang Ama at ako ay iisa. At wala akong ginagawa, wala akong sinasabi na hindi ko nakitang ginawa o narinig na sinabi ng aking Ama.” Kaya siya ang maasahang daan patungo sa ama dahil taglay niya ang katotohan ng Ama. Si Hesus po ay daan patungo sa Ama dahil siya ang buhay.
Sa pasimula pa, si Hesus, salita ng Diyos ay kapiling ng Ama. At ang lahat ay nilikha, nagkaroon ng buhay sa pamamagitan Niya. Walang buhay dito sa lupat langit na nilikha ng Diyos nang wala si Hesus, lagi sa pamamagitan ni Hesus may buhay.
Kaya sinabi ni Hesus kay Santa Marta “Ako ang buhay at muling pagkabuhay. Ang nananalig sa Akin ay hindi mamatay sa halip ay magakakamit ng buhay nang walang hanggan.” At Siya ay sinugo ng Diyos upang tayo ay magkaroon ng buhay at ganap na buhay.
Mga kapatid, si Hesus ay daan sa Diyos dahil Siya ang may hawak ng buong katotohanan tungkol sa Diyos at taglay niya nga buhay ng Diyos na ibinabahagi sa atin. Tumingin tayo kay Hesus, kumapit sa kanya. Sa mga traslacion natin sa buhay, sa pagkawala natin ng landas, Siya taga Nazaret, siya ang daan patungo sa Ama.
Pero si Hesus din po ay daan patungo sa tao, hindi lamang sa daan patungo sa Diyos siya rin ay daan sa tunay n pagpapakatao. Sabi nga po sa ikalawang pagbasa, mula sa sulat ni San Pablo sa mga taga Filipos bagamat siyay Diyos kapantay ng Ama. At dahil dyan siya din ay daan patungo sa Ama. Binitawan niya yan, naging tao.
At ngayon, siya rin ang ating daan. Tayong mga tao, papano ba maging tao? Ang daan ay si Hesus Nazareno. Tunay na Diyos, tunay namang tao. Kaya daan patungo sa Diyos, daan din sa ating paghahanap ng tunay na pagkatao. Siya ang daan sa pagiging tunay na tao dahil taglay niya ang katotohanan ng pagiging tao.
Aminin natin bagamat tayo’y nilikha na tao sabi nating mga Pilipino madaling maging tao mahirap magpakatao. Bakit? Kasi kung minsan hindi natin taglay ang katotohanan ng pagiging tunay na tao.
Ang kinakapitan natin, ang sinusundan natin, sinusundan nating mga daan ng pagpapakatao ay huwad na daan patungo sa huwad na pagkatao. Kay Hesus nakikita natin, halimawa sabi sa ikalawang pagbasa, ang tunay na tao hindi magpapanggap na siya ay Diyos.
Ang tunay na tao, inaamin, ako ay nilikha, creature, tao at hindi ako makikipag kompitensiya sa Diyos.
Ang tunay na tao sa pamamaraan ni Hesus hindi nag diyus-diyusan sa halip tinatanggap ang kanyang kababaan.
Kay Hesus nakita natin ang katotohanan. Ang tunay na tao marunong makipagkapwa tao. Hindi ka pwedeng tao, na hindi ka nakikipagkapwa. Natuto natin kay Hesus na ang totoong tao niyayakap ang nagugutom, ang nauuhaw, ang walang damit, ang walang tahanan, ang nilalaspastangan at kayang sabihin ako ay nasa kanila dahil kapwa tao ko sila. Nakikita natin kay Hesus ang daan ng pagpapakatao dahil taglay niya ang katotohanan ng pagiging tunay na tao. Si Hesus po ay daan sa pagiging tao dahil siya ang Buhay at tagapagbigay buhay sa tunay na pagkatao.
Aminin din po natin, minsan ang hinahanap natin para mag mukhang tao, para makaramdam ng pagigigng tao ay mga huwad na buhay. Halimbawa, akala ng iba basta ang dami dami niyang pera muka na siyang tao. Hindi.
Ang tawag dun mukang pera. Kapag ang buhay mo hinanap mo hindi sa tunay na pagpapakatao, doon ka nabubuhay at yun ang nagiging kamukha mo.
Ang buhay wala sa kapangyarihan, pinanganak tayong walang kapanagyarihan at sa oras ng kamatayan wala kang kapangyarihan. Mabuhay ka ng hindi ganid sa kapangyarihan at magiging tunay kang buhay na tao.
Yung iba akala magiging buhay na buhay sila kapag ang kasuotan ay mamahalin, kapag may tatak tatak, kapag may buwaya. ‘Pag suot mo yan ano ka tao o hindi ko na sasagutin.
Saan ba ang buhay mo? Bakit ba tayo naghahanap ng kung ano anong buhay samanatalang ang buhay natin ay maging tao.
At ang buhay na yan nakikita kay Hesus. Binigyan ng buhay para magbigay buhay para sa iba. Maging daan ng ganap na buhay para sa iba. Si Hesus daan patungo sa Diyos, si Hesus daan patungo sa pagpapakatao.
Sa pagdiriwang po natin ng traslacion sa taong ito tumutok tayo kay Hesus. Kumapit tayo sa Kanya. H‘wag tayong lilihis ng daan.
‘Pag tayo ay sumunod sa Kanya alam natin ang ating kahahatungan. Patungo sa Diyos, patungo sa kapwa at pagiging tunay na ganap na tao. Bilang pagtatapos po, naikwento ko na po ito sa ibang pagkakataon. Meron po akong naging kaklase na hindi Pilipino.
Sabi niya sa akin, kayong mga Pilipino, napapansin ko, mga pakialamero kayo. Bakit mo naman yan nasabi? Sabi niya, kasi pag may nasasalubong kayo tinatanong niyo pa, Saan ka galing? Saan ka ba pupunta? Eh bat ba pinakikialaman nyo pa yan? Sabi ko naman,hindi, hindi naman talaga kami nakikialam.
Eh kayo nga ang tanong nyo, How are you? How are you doing? Interesado ba kayo talaga? Hindi naman eh, bumabati lang kayo.
Kami rin bumabati lan, iyon ang bati namin. San ka galing? San ka pupunta? Pero napag isip isip ko mas maganda ang bati natin. ‘Pag may nasasalubong ka pinapaalaahanan mo, alam mo ba kung saan ka galing?
At alam mo ba ang iyong daan? Alam mo ba ang iyong patutunguhan? Kapag may bumati po sa inyo mamaya o kaya bukas, pag tinanong kayo, oh san ka pupunta? Sabihin niyo sa Diyos Ama, sasama ka? At ‘pag natakot, sabihin niyo, kasama natin si Hesus, ang daan ang katotohanan at buhay.