216 total views
Kinilabutan at kakaibang pakiramdam ang naranasan ni Philippine National Police Director General Ronald Bato Dela Rosa ng kanyang personal na masaksihan ang pagdaan ng andas ng Mahal na Poong Hesus Nazareno sa kanyang harapan.
Pagbabahagi ni Dela Rosa wala sa kanyang plano na sundan ang prusisyon at masaksihan ng malapitan ang pambihirang pagkakataon sa Traslacion.
Ayon kay General Dela Rosa nagkataon lamang na dumaraan mismo sa ilalim ng Quezon Bridge ang andas ng Poong Hesus Nazareno ng sila ay nasa mismong tulay upang tingnan ang sitwasyon at deployment ng mga nakatalagang PNP sa lugar.
“it was not planned yung movement namin was not planned but nagtataka kami bakit nung pag-hit namin dun sa tulay nandun kaagad sa baba namin yung Nazareno, nandun yung andas so nakakatakot, tumatayo yung balahibo ko timing it was not planned really pero tyansa ko na din ito na bilang devoted Catholic through and through na maka-experience ng ganito and it was indeed a very very unusual experience for me kinilabutan ako…” pahayag ni Dela Rosa sa panayam sa Radyo Veritas.
Kasama ni General Bato Dela Rosa sina National Capital Region Police Office Director Chief Superintendent Oscar Albayalde at Manila Police District Director Joel Napoleon Coronel na nag-iikot sa palibot ng Quiapo Church ng mapadaan sa prusisyon.
Pagbabahagi ni Dela Rosa, kahanga-hanga ang naturang debosyon ng mga deboto na makikita ang tindi ng pagsisikap na makahawak sa lubid ng Andas sa kabila ng siksikan at dami ng tao sa lugar.
Bukod dito, ibinahagi rin ni Dela Rosa ang kanyang naging hiling at panalangin na naibulong sa pagdaan ng Poong Hesus Nazareno na tuluyang matapos na ang problema ng bansa sa ilegal na droga upang tuluyan ng makamit ng bayan ang kalayaan mula sa masamang epekto nito.
“yung nasa utak ko palagi n asana matapos na yung drug-problem ng Pilipinas yun ang palaging wish ko na sana matapos na yung problema at lahat tayong Filipino magtutulungan na matapos na ang problamang ito…” Pagbabahagi ni Dela Rosa.
Samantala, ibinahagi rin ng mga opisyal nga ng PNP ang naging mahigpit na pakikipag-ugnayan sa pamunuan ng Quiapo Church upang mas maging organisado at mapayapa ang Traslacion ngayong taong 2018.
Nagpaabot rin ng paumanhin ang PNP sa lahat ng mga naapektuhan ng ipinatupad na signal jamming sa malaking bahagi ng Maynila at mga karatig lungsod dahil sa maaring perwisyong naidulot nito sa paraan ng kumunikasyon ng mga mamamayan na isa sa mga isinagawang preemptive security measures ng mga otoridad upang matiyak ang kaligtasan ng bawat mananampalataya.
Batay sa tala sa kabila ng maagang pagsisimula ng Traslacion at ilang mga pagbabagong ipinatupad ngayong taon ay umabot pa rin ng 22-oras bago muling nakabalik sa Quiapo Church ang imahen ng Poong Hesus Nazareno.