177 total views
Ito ang payo ni Novaliches Bishop Emeritus Teodoro Bacani, miyembro ng 1987 Constitutional Commission sa mga mambabatas kaugnay sa kasunduan nina Senate President Koko Pimentel at House Speaker Pantaleon Alvarez na i-convene ang Mababang Kapulungan ng Kongreso at Senado bilang constituent assembly para amyendahan ang Saligang Batas.
Hinimok ni Bishop Bacani ang mga mambabatas na unahin at isaalang-alang ang kabutihan ng bansa sa halip na maging stamp pads at sunod-sunuran lamang ng Pangulong Rodrigo Duterte.
“Let them keep foremost the good of the whole country. Let them not be stamp pads.”pahayag ni Bishop Bacani sa Radio Veritas
Inihayag din ni Bishop Bacani ang mariing pagtutol sa isinusulong na constituent assembly o con-ass upang amyendahan ang 1987 constitution dahil ang mga miyembro ng Mababang Kapulungan ng Kongreso ay subservient o sunod-sunuran lamang kay pangulong Duterte.
Itinuturing din ni Bishop Bacani na useless ang House at Senado kung boboto bilang isang body sa bagong draft constitution para sa isinusulong na federal form of government ng administrasyong Duterte.
“Am against a constituent assembly for amending the constitution given the present lower house subservient to the president. In a constituent assembly, House and Senate should vote separately otherwise it is useless to have 2 houses for amending the constitution.”paglilinaw ni Bishop Bacani.
Duda din si CBCP-Episcopal Commission on the Laity chairman Manila Auxiliary Bishop Broderick Pabillo sa kredibilidad ng mga Kongresista na amyendahan ang konstitusyon.
Binigyan diin ni Bishop Pabillo na hindi kapani-paniwala ang isinusulong na pagbabago sa konstitusyon ng mga kongresista sapagkat karamihan sa kasalukuyang mambabatas ay walang paninindigan sa kanilang mga adbokasiya at paniniwala.
Iginiit ng Obispo na pagpapadali sa proseso ng pagpapalit ng konstitusyon ang dahilan ng mga mambabatas sa pagsusulong ng Con Ass o Constitutional Assembly.
Kinondina rin ng Obispo ang dahilan ng mga mambabatas sa pagsasantabi sa Constitutional Convention bilang paraan ng pagbabago ng konstitusyon sapagkat naangkop lamang na dumaan sa matagal na proseso ng masusing pag-aaral ang pagpapalit ng konstitusyon upang matiyak na makabubuti ito sa bayan.
Bukod dito, binigyang diin rin ni Bishop Pabillo na nararapat lamang na paglaanan ang naturang proseso ng sapat na pondo dahil para ito sa ikabubuti at ikauunlad ng bansa hindi tulad ng mga inilalaaang pondo para sa pork barrel ng mga kongresista na napupunta lamang sa wala.
Naninindigan naman si Marbel Bishop Dinualdo Gutierrez na dapat masusing pag-aralan ng mga mambabatas kung ano ang pinakamabuting paraan sa pag-amyenda ng Saligang Batas.
Inihayag ni CBCP Permanent Committee on Public Affairs executive secretary Father Jerome Secillano na maaring tatalakayin sa CBCP plenary assembly ang usapin sa Federalism at constituent assembly na isinusulong ng administrasyon at mga mambababatas.
Batay sa Saligang Batas may tatlong paraan upang baguhin o amyendahan ang 1987 Constitution ng bansa ang Contituent Assembly, People’s Initiative at Constitutional Convention.