3,527 total views
Banta sa pagiging malayang bansa ang Charter Change o Cha-Cha na gagamiting paraan sa pag-amyenda ng 1987 Constitution.
Ito ang nakikita ng Sangguniang Layko ng Pilipinas, sa patuloy na pagsusulong ng Kongreso sa mabilis na pag-amyenda sa Saligang Batas ng Pilipinas.
Ikinababahala ng Laiko ang kawalang paggalang sa karapatang pantao, paniniil sa demokrasya at katarungan na maaaring sapitin ng bansa dahil sa pilit na pagpapalit sa konstitusyon.
Iginiit ng grupo na kitang-kita na mayroong ibang intensyon ang mga nasa katungkulan kung bakit nito minamadali ang pagpapalit ng saligang batas.
Dagdag pa ng Laiko, nakababahala rin na ipinipilit ng Kongreso ang Charter Change gayung hindi ito lubos na nauunawaan ng lahat ng mamamayan sa buong Pilipinas dahil batay sa ulat ng Pulse Asia survey ay 73 porsyento ng buong populasyon ng bansa ang walang alam sa naturang hakbang na isinusulong ng kongreso.
“The Sangguniang Laiko ng Pilipinas perceives the current proposal for Charter Change as a threat to our democratic system and our aspirations as a free and progressive nation. As lay Catholics, we are disturbed by the aggressive stance of this administration to change a constitution that has not been thoroughly understood and studied by 73% of the population, according to a Pulse Asia survey.” pahayag ng Sangguniang Layko ng Pilipinas.
Bunsod nito, nanawagan si Julieta Wasan – Pangulo ng Sangguniang Layko, sa mamamayan na maging mapagmatyag at laging alamin ang katotohanan sa lahat ng mga inihahaing pagbabago ng mga mambabatas.
Iginiit ni Wasan na karapatan ng mamamayan na magkaroon ng tamang kaalaman patungkol sa mga isinusulong na pagbabago sa bansa lalo na sa Saligang Batas ng Pilipinas.
Sinabi pa ni Wasan na bukas ang Sangguniang Layko ng Pilipinas sa pakikipagtulungan sa mga eksperto, mga mambabatas at constitutionalist upang pagtulungang pataasin ang kaalaman ng mamamayan kaugnay sa Konstitusyon ng Pilipinas at ang mga panganib na maaaring idulot sa mamamayan ng mga pagbabagong gagawin dito.
“It is our duty to let the people know what is happening, help them form their conscience, seek the truth and do what is right. We enjoin our government leaders, educators and civic society to take the lead in providing the much needed voters’ education first, so that the results of any plebiscite for this would truly reflect the sentiments of an informed and responsible citizenry.” Bahagi ng pahayag ng Sangguniang Layko ng Pilipinas.