252 total views
Ang mga negosyante at mga business leader ay maituturing na mga katuwang ng Panginoon sa pagbabahagi ng kanyang mga biyaya sa mamamayan.
Ito ang ibinahagi ni Rev. Fr. Anton CT Pascual – Pangulo ng Radyo Veritas, Executive Director ng Caritas Manila at Spiritual Director ng Serviam Catholic Charismatic Community Foundation Inc. na siyang nanguna sa ikatlong Servant Leadership Conference na may temang Servant Leadership in Business.
Paliwanag ng Pari, ang mga negosyante ay maituturing na katiwala ng Panginoon hindi lamang sa paghubog ng angking yaman ng daigdig kundi maging sa pagpapaunlad ng kakayahan at mismong buhay ng taumbayan sa pamamagitan ng pagsusulong ng kabutihan ng mas nakararami sa kanilang serbisyo o mga produkto.
“Alam natin bilang lingkod at katiwala ng mga biyaya ng Diyos, lahat ng ating nakikita, lahat ng ating negosyo, lahat ng ating mga oppurtunidad, lahat ng ating talino at mga inimbentong mga produkto at mga serbisyo, lahat yan ay galing sa Diyos. lahat tayo ay hindi may-ari tayo ay katiwala at lingkod ng Panginoon. Dapat gamitin itong mga produkto at serbisyo na ginagawa ng mga negosyante para sa kabutihan ng lahat at hindi lang para sa kapakinabangan ng iilan o ang tinatawag nating 1% lamang. …” pahayag ni Fr. Pascual sa panayam sa Radyo Veritas.
Binigyang diin ng Pari na ang pagnenegosyo ay hindi lamang dapat na nakasentro sa laki ng kita ng isang kumpanya kundi maging sa matapat na pagsiserbisyo nito sa mga mamamayan na tumatangkilik ng mga produkto at serbisyo sa merkado.
Kaugnay nito nagpaabot rin ng pasasalamat ang Serviam Catholic Charismatic Community Foundation Inc. at si Fr. Pascual sa grupo ng mga negosyante sa bansa na nakiisa sa pagtitipon, partikular na ang Makati Business Club, Management Association of the Philippines, Philippine Chamber of Commerce and Industry, Employers Confederation of the Philippines at Philippine Exporters Confederation, Inc.
Umaasa rin ang pamunuan ng Serviam na maging mabunga at makabuluhan para sa mga dumalong delegado ng iba’t ibang mga grupo ng mga negosyante sa bansa ang ikatlong Serviam Conference na may temang Servant Leadership in Business.
Sa tala, mahigit sa 500 ang mga delegadong mula sa iba’t ibang grupo ng mga negosyante sa bansa ang nakiisa sa isinagawang Servant Leadership in Business sa Makati Shangri-La.