356 total views
Mga Kapanalig, sa unang pagpupulong ng gabinete ngayong 2018 na ginawa noong nakaraang linggo, isa sa mga unang ipinag-utos ni Pangulong Duterte ang pagpapahinto sa operasyon ng mga logging concessions sa Zamboanga Peninsula. Ito ay matapos niyang mapanood ang isang video na nagpapakita ng malawak na pagkakalbo ng kagubatan sa lugar at ng pinsalang iniwan ng mga Bagyong Urduja at Vinta sa probinsya ilang araw bago mag-Pasko, kung saan may mga namatay at nawalan ng tahanan dahil sa baha at landslide. Ang kautusan ay bunsod din ng panawagan ng mga kababayan nating katutubo na naninirahan sa mga kabundukan ng Zamboanga at nakaranas ng pagpapaalis dahil sa logging ng mga pribadong kompanya.
Positibong hakbang ang ginawang ito ng administrasyong Duterte, at hindi sana ito maging ningas-kugon sa pagpapanagot sa mga nasa likod ng malawakang pagsira ng mga kagubatan, hindi lang sa Zamboanga kundi sa iba pang lugar na itinuturing na “hotspot” ng pagtotroso gaya ng Sierra Madre dito sa Luzon, Samar, at Palawan. Magbunga rin sana ito nang masinsing pagrepaso sa patakaran ng pamahalaan hinggil sa pagtotroso, bagay na sinimulan ng dating kalihim ng Department of Environment and Natural Resources (o DENR) na si Gina Lopez.
Isa ang logging, legal man o ilegal, sa mga itinuturong dahilan ng flash floods na nagpapalubog sa mga mabababang lugar. Ngunit ang isyung ito ay hindi lamang matutugunan sa pamamagitan ng pag-uutos na itigil ang operasyon ng mga kompanya. Masalimuot ang ugnayan nito sa pulitika sa isang lugar. Halimbawa, sa Agusan del Sur, sinasabing ang illegal logging sa kagubatang nakapaloob sa ancestral domain ng mga Manobo ay negosyo ng isang maimpluwensyang pulitiko roon. Kaya’t nang lumabas sa media noong nakaraang taon ang pagpupuslit ng troso, nagkaroon ng tensyon sa lugar. Mayroon ding mga kaso ng mga tiwaling opisyal ng DENR—may mga hindi epektibo sa kanilang trabaho o kaya naman’y nagiging kasabwat pa ng mga illegal logging operators. Kulang din ang kakayanan ng DENR upang bantayan kung nagagawa ng mga logging operators na nabigyan ng permiso ang kanilang mga hakbang upang hindi maging mapaminsala sa kalikasan at sa mga pamayanan ang pagpuputol nila ng puno.
Maraming kinakaharap na isyu ang ating bayan, ngunit panahon nang bigyan ng atensyon ng pamahalaan at ng lahat ang kalagayan ng ating mga kagubatan. Matingkad maging sa mga panlipunang katuruan ng Simbahan ang kahalagahan ng kalikasan at ng pangangalaga rito. Para kay St John Paul II, hindi lamang nahaharap ang ating mundo sa mga panganib na dala ng mga digmaan at kawalang katarungan; panganib din ang dala ng kawalan natin ng paggalang sa kalikasan at pagsalaula sa mga likas-yamang tulad ng kagubatan. Babala pa ni St John Paul II, kung hahayaan nating magpatuloy ang pagsira sa kalikasan na nagdudulot ng mga panganib, hahantong ito sa kawalan natin ng pakialam at pagbalewala sa ating kapwa. Hindi ba’t ganito nga ang nangyayari sa mga katutubong inaagawan ng lupa para lamang makapag-logging at kumita ang mga pribadong kompanya at mga tiwaling pulitiko? Hindi ba’t ganito ang nangyayari sa mga mahihirap na nagdurusa sa baha sa tuwing raragasa ang tubig mula sa mga kinalbong kagubatan?
Kaya para pa rin sa Simbahan, isang morál na isyu ang krisis na dinaranas ng kalikasan. Ibig sabihin, ang pagsusulong natin ng buhay at dignidad ng tao ay dapat na sumaklaw din sa sangnilikha. At sa mabuting pangangasiwa ng sangnilikha, kabilang ang maayos na pangangalaga sa mga kagubatan, naitatatag din ang isang mas makatarungang lipunan.
Mga Kapanalig, mapangatawanan sana ng pamahalaan ang pagtutok nito sa isyu ng logging at mga magkakasangang isyu gaya ng katiwalian, hindi lang sana sa Zamboanga kundi sa marami pang lugar kung saan dumadaing ang Inang Kalikasan.
Sumainyo ang katotohanan.