444 total views
Mga Kapanalig, pinagtibay ng United Nations General Assembly sa pagpupulong nito noong Disyembre 2017 ang pagtatalagâ sa mga taóng 2019 hanggang 2028 bilang “Decade of Family Farming”. Inaasahang sa panahong iyon, makabubuo ang UN ng balangkas o framework na gagabay sa mga pamahalaan ng mga kasaping-bansa na bumuo at magpatupad ng angkop na patakaran para sa mga pamilyang nagsasaka. Isa ito sa mga kongkretong hakbang upang makamit ng mga kasaping-bansa ng UN ang pangalawang Sustainable Development Goal o SDG na wakasan ang kagutuman at kahirapan pagsapit ng taóng 2030. Pagpapalawig din ito sa sinimulan nang adbokasiya ng Food and Agricultural Organization (o FAO) na International Year for Family Farming noong 2014, kung saan unang binigyang-pansin ang ambag ng family farming sa sama-samang pagtugon sa kahirapan, pagkakaroon ng sapat at masustansyang pagkain, at pangmatagalang kabuhayan para sa mga pamilya, habang pinangangalagaan ang kapaligiran.
Maaaring bago sa ating pagdinig ang family farming, ngunit sa napakahabang panahon—maaaring mula pa sa panahon ng ating mga ninuno—naging haligi na ng ating paglago, lalo na sa mga kanayunan, ang mga sakahang nililinang ng mga maliliit na magsasaka at kanilang mga pamilya. Ayon sa isang international institute na Technical Centre for Agricultural and Rural Cooperation, mahigit 500 milyong pansakahang pampamilya sa buong mundo ang nag-aambag sa pagkakaroon ng sapat na pagkain, at nagbibigay ng trabaho sa napakarami. Dito sa atin, pinagyayaman ng mga maliliit na magsasaka at kanilang pamilya ang tinatayang 5.7 milyong sakahan. Ngunit habang nakaaambag ang family farming sa suplay ng pagkain at paglikha ng trabaho, humaharap sa maraming hamon ang mga magsasaka at kanilang pamilya. Nariyan ang hindi pagkakaroon ng legal na karapatan sa lupang kanilang sinasaka, ang kakulangan ng access sa mga binhi at pataba, ang kakulangan ng kaalaman tungkol sa makabagong pamamaraan ng pagsasaka, at kawalan ng koneksyon sa merkado o mga pamilihan upang maipagbili ang kanilang ani at produkto. Banta rin sa kanilang ani ang matitindi at mapaminsalang mga kalamidad gaya ng mga bagyo at baha.
Mahalaga rin ang pagtuon sa family farming dahil sa kabila ng kanilang ambag sa produksyon ng pagkain, ang mga pamilyang nagsasaka ay kabilang sa mga nakararanas ng matinding kahirapan at kakulangan sa pagkain. Ayon sa International Federation of Organic Agriculture Movement, bagamat mula sa sakahan ng mga pamilya ang 70% ng pagkain sa buong mundo, mula rin sa kanila ang kalahati sa mga nagugutom at hiráp sa buhay. Gayunman, wala tayong naririnig na kaugnay na hakbang ng Department of Agriculture o pahayag ng pagsuporta sa “Decade of Family Farming”, ngunit umaasa tayong tututukan din ito ng administrasyong Duterte sa kabila ng pagiging abalá nito sa cha-cha, federalismo, at pagsugpo sa droga.
Magandang alalahanin natin, lalo na ng ating mga pinuno, ang sinabi ni Pope Francis tungkol sa mahalagang papel ng mga magsasaka. Aniya, kung walang pagsasaka, walang sangkatauhan; kung walang maayos na pagkain, walang buhay ang lahat ng tao. Kaya’t mahalaga ang mga patakaran at programang nagpapataas sa kakayanan ng mga magsasaka—kabilang ang mga nagsasagawa ng family farming—upang panatilihing masagana ang kanilang ani, sapat para sa kanilang sariling pangangailangan at para sa pangangailangan ng lahat. Sa paglinang sa kanilang kasayanan at kaalaman, naitataguyod din ang dangal ng mga magsasaka, napatatatag ang katayuan sa buhay ng kanilang pamilya, at nakikilala ang kanilang mahalagang ambag sa ating bayan. At gaya rin ng sinabi pa ni Pope Francis, bilang mga tao at anak ng Diyos, karapat-dapat ang mga magsasakang magkaroon ng disenteng buhay. Kahit bago pa sumapit ang dulo ng Decade of Family Farming, nawa’y nabibigyan ng akmang kabayaran ang panahon, lakas, at pasensyang inilalaan ng mga magsasaka para sa kanilang hindi mapapantayang trabaho.
Sumainyo ang katotohanan.