273 total views
Mga Kapanalig, nakababahala ang pagmamadali ng mga kaalyado ni Pangulong Duterte sa Mababang Kapulungan na baguhin ang ating Saligang Batas. Ayon sa kanila, bigô ang kasalukuyang Saligang Batas na ibsan ang kahirapan at hindi pagkakapantay-pantay sa ating bayan. Dapat na rin daw itong baguhin upang bigyang-daan ang federalismo, na sa kanilang pananaw ay mas angkop sa ating kalagayan. Nakakuha sila ng kakampi kay Pangulong Duterte, at nais nilang samantalahin ang kanyang kasikatan upang makuha ang suporta ng publiko sa ipinapanukala nilang sistema at porma ng pamahalaan. Ngunit ang Konstitusyon nga ba ang problema o ang mga pinuno nating hindi naging tapat sa Saligang Batas?
Mabuti na lamang at sa Senado, nagkakaroon ng malalim at seryosong talakayan tungkol sa Charter change o Cha-cha. Narinig natin sa mga isinagawang hearing ang opinyon ng mga eksperto sa usaping ito, kabilang ang mga dating mahistrado at mga kasapi ng komisyong nanguna sa pagbubuo ng kasalukuyan nating Konstitusyon. Ayon sa mga tutol sa Cha-cha, sinasalamin ng 1987 Constitution ang hangarin nating mga Pilipino na itatag ang isang demokratiko at makatarungang lipunan matapos ang mahabang panahon sa ilalim ng mapanupil na pamamahala ng diktador na si Ferdinand Marcos. Tiniyak ng komisyong bumalangkas ng Saligang Batas na itataguyod nito ang mga pinahahalagahan nating mga Pilipino, at isusulong nito ang tunay na kaunlaran, kaya nasa puso nito ang katarungan sa lipunan o social justice. Tiniyak ding alam ng taumbayan ang nilalaman ng binubuong Saligang Batas sa pamamagitan ng mga konsultasyon at malawakang pagpapaalám, hanggang sa sang-ayunan ng mayorya ng mga botanteng Pilipino ang umiiral nating Konstitusyon.
Sa tuwing may panukalang baguhin ang ating Konstitusyon—mga limang beses na po ito, mga Kapanalig—nariyan ang ating Simbahan upang magbigay ng gabay sa mga mananampalatayang Pilipino. At sa pamamagitan ng isang pastoral guide na inilabas pagkatapos ng kanilang plenary assembly sa Cebu noong nakaraang buwan, nanindigan ang CBCP na bagamat hindi perpekto ang kasalukuyang Saligang Batas, naaayon sa Mabuting Balita ng Diyos ang mga prinsipyong nakapaloob sa pinakamataas na batas sa ating bansa. Kaya naman, ngayong mainit ang isyu ng Cha-cha, naninindigan din ang ating mga obispong “ang pag-amyenda sa Saligang Batas, na maingat na ginawa para sa kabutihan ng lahat matapos ang panahon ng diktadura, ay nangangailangan ng malawakang pakikilahok ng mamamayan at konsultasyon, ng iisang pagtanaw (o unity in vision), ng bukás na proseso (o transparency), at ng sapat na kahinahunang magbibigay-daan sa makatwirang talakayan.”
Napapanahon ang gabay at pahayag na ito upang bigyang-diin na hindi lamang legalidad o pulitika ang dapat na batayan ng mga talakayan tungkol sa Cha-cha. Pinaaalala sa ating mga pinuno at sa ating mga ordinaryong mamamayan na may mga moral na prinsipyong dapat na isinasaalang-alang sa Cha-cha.
Halimbawa, sa paanong paraan itinataguyod ng panukalang pagbabago sa Saligang Batas ang dignidad ng tao at ang kanyang mga karapatan, gaya nang nakasaad na sa kasalukuyang Konstitusyon? O baka naman mas liliit ang halaga ng buhay ng tao sa ilalim ng bagong sistema?
Ikalawa, nakabatay ba ito sa katotohanan? O binibilog lamang ng mga may interes ang ating pananaw upang sumang-ayon tayo sa Cha-cha at federalismo?
Ikatlo, makahulugan ba ang pakikilahok ng mga mamamayan at napagtitibay ang ating pagkakaisa? O baka naman sa likod ng matatamis na pangako ng pagbabago ay ang mas pagkakawatak-watak natin bilang mga Pilipino at ang pagbuwag sa mga institusyong nagtataguyod ng kalayaan ng mga mamamayan?
Panghuli, makikinabang ba ang lahat sa pagbabago? O interes lamang ng mga makapangyarihan ang iiral?
Mga Kapanalig, timbangin ang mga naririnig natin tungkol sa Cha-cha gamit ang mga batayang inilatag ng ating mga pastol, dahil, gaya rin ng kanilang sinabi, baka ang mas dapat baguhin ay ang kultura ng pulitika sa ating bansa.
Sumainyo ang katotohanan.