167 total views
Nararapat gawing prayoridad at resolbahin ng Philippine National Police o PNP ang mga kaso ng tinaguriang Death Under Investigation o DUI sa halip na tutukan ang muling pagpapatupad ng Oplan Tokhang na naging dahilan ng mga pagpatay sa mga hinihinalang drug users at pushers.
Ito ang mungkahi ni Catholic Bishops Conference of the Philippines Vice President Kalookan Bishop Pablo Virgilio David.
Iginiit ng Obispo na sa halip na muling tutukan ng PNP ang implementasyon ng Oplan Tokhang ay mas nararapat na pagtuunan ng pansin ng pambansang pulisya ang pag-iimbestiga sa mga kaso ng death under investigation, pagtugis sa mga tinaguriang bonet gang at mga riding in tandem na pumapatay ng mga inosenteng sibilyan na may kinalaman sa kalakaran ng droga.
“Ang panawagan ko, ang daming dugo na dumanak tapos hindi pa natin iniimbestigahan ang mga deaths under investigation, hindi pa nare-resolba tapos ire-relaunch mo na naman yung Tokhang tapos patuloy pa rin yung pagpatay ng mga hindi kilalang mamamatay tao na tinatawag nilang unidentified assailants, bonet gang, riding in tandem, hindi ba trabaho din ng kapulisan ang habulin sila?” pahayag ni Bishop David sa panayam sa Radyo Veritas.
Aminado ang Obispo na napapanahon na upang tuluyang mawakasan ang talamak na kalakalan ng illegal na droga sa bansa ngunit dapat dumaan sa tamang proseso ng batas ang operasyon ng mga otoridad laban sa mga pinaghihinalaang kasangkot sa iligal na droga upang walang masayang na buhay.
“Alam ko talagang we would like to put a stop to this drug menace pero sana naman sumunod tayo sa batas, let’s do it na naayon sa batas let us not waste life yun ang panawagan namin…” pahayag ni Bishop David
Maging si CBCP President at Davao Archbishop Romulo Valles ay una na ring umapela sa mga pulis na sundin ang Standard Operating Procedures at mga bagong guideline o panuntunan na itinakda sa Oplan Tokhang upang matiyak ang kaayusan at tamang proseso ng batas sa kampanya laban sa talamak na kalakalan ng ilegal na droga sa bansa.
Matatandaang batay sa pagtataya ng Human Rights Advocates ay umabot sa halos 30-kada araw ang naitatalang namamatay noong kasagsagan ng Oplan Tokhang bago ito pansamantalang itigil noong nakalipas na taon.