205 total views
Tiniyak ng Legal Network For Truthful Elections (LENTE) ang pagtutok at pagpapalaganap ng kaalaman at impormasyon tungkol sa nakatakdang Sangguniang Kabataan Elections kasabay ng Barangay Elections sa Mayo, 2018.
Ayon kay Atty. Rona Ann Caritos, Executive Director ng LENTE, pangunahing tutukan ng grupo ang pagbibigay impormasyon sa kahalagahan ng partisipasyon ng mga kabataan sa pamayanan upang mahimok ang mas maraming mga kabataan na makilahok sa nakatakdang halalan.
Inihayag rin ni Atty. Caritos na mahalagang matutukan ang naturang SK Elections lalo na ang pagpapatupad ng bagong SK Reform Law na inaasahang makapagsasala sa mga kabataang nagmula sa political dynasty o mayroong iba pang mga kamag-anak sa larangan ng politika.
“Ngayong barangay election po ngayon mas i-emphasize po namin yung importance at role ng mga kabataan dahil ito po yung first na election na mai-implement yung bagong bagong SK Reform Law, excited po tayo lalong lalo na kami sa LENTE dahil ito ang pagkakataon ang mga kabataan natin na makilahok sa politika sa ating bansa…” pahayag ni Caritos sa panayam sa Radyo Veritas.
Kaugnay nito, nasasaad sa bagong SK Reform Law na maaari lamang tumakbo para sa katungkulan ay ang mga may edad 18 hanggang 24-taong gulang kung saan bahagi ng Certificate of Candidacy na lalagdaan ng mga SK Candidates ang pagtiyak na wala silang kamag-anak na mga halal na opisyal ng gobyerno.
Samantala, patuloy naman ang paghikayat ng Catholic Bishops Conference of the Philippines (CBCP) sa publiko na huwag balewalain ang kasagraduhan ng pagboto, bilang isang mahalagang sangkap ng demokrasya at unang hakbang para sa pagbabago ng lipunan.