184 total views
Dapat makibahagi ang bawat mananampalataya sa mga usaping panlipunan lalu na ang pagtatanggol sa buhay.
Ito ang pagninilay ni Bishop Broderick Pabillo-chairman ng Catholic Bishops Conference of the Philippines-Episcopal Commission on the Laity (CBCP-ECL) sa isinagawang misa para sa Ash Wednesday na ginanap sa Radio Veritas Chapel.
“Kaya tayo rin ay dapat na magsisi sa mga pagkukulang natin, hindi lamang po sa ating pagmamalabis. Kaya ang kasalanan ay hindi lang yung ating ginawang masama, kundi ang hindi natin ginawa. Nagpabaya tayo. Mga kabutihan na dapat nating gawin. Kaya kung sinabi mong wala akong kasalanan, okay baka wala kang masamang ginawa. Pero, baka maraming mga mabubuting hindi mo nagagawa,” ayon kay Bishop Pabillo.
Ayon sa Obispo, ang kuwaresma ay panahon ng grasya at ang bawat isa ay inaanyayahan na makibahagi sa pakikiisa kay Kristo sa kaniyang pagsasakripisyo.
Paliwanag ng Obispo, hindi dapat sayangin ang pagkakataong ibigay ng Diyos sa pagliligtas na sa kaniyang pagmamahal ay inialay Niya ang sariling buhay para sa sanlibutan.
Hinikayat din ni Bishop Pabillo ang mga mananampalataya na isabuhay ang pananampalatayang kristiyano na nagwawaksi ng katiwalian at pagkondena sa kultura ng kamatayan.
Itinakda naman ng simbahang katolika ang pagdaraos ng ‘Walk for Life’ sa Quirino Grandstand sa February 24, alas-4 ng umaga.
Pangungunahan naman ni Manila Archbishop Luis Antonio Cardinal Tagle ang misa Ito ay taunang pagdiriwang tuwing buwan ng Pebrero na pinangunahan ng Sangguniang Layko ng Pilipinas na ang layunin ay manindigan para sa kasagraduhan ng buhay mula sa paglilihi hanggang sa natural na kamatayan.
Ilan sa mga usapin na tinututulan ng simbahan ay ang extra judicial killings, abortion, same sex marriage, death penalty at ang pagsusulong ng charter change ng kongreso.