192 total views
Hinikayat ni San Jose, Nueva Ecija Bishop Roberto Mallari, Chairman ng Catholic Bishops Conference of the Philippines Episcopal Commission on Catechesis and Catholic Education ang mga mananampalataya na dalhin sa mga kawanggawa ang kanilang matitipid mula sa pag-aayuno at pangingilin ngayong Kuwaresma.
Ayon sa obispo, mahalagang mapunta sa kawanggawa ang ating masisinop na salapi upang maging makabuluhan ang ating paghahanda sa Lenten season.
“Yung natitipid natin sa fasting at abstinence, isinasantabi natin ito for scholarship. Ganundin iyong paanyaya yung diyosesis na connected sa Pondo ng Pinoy umpisahan ang mga feeding program para sa undernourished na mga bata. Kasi ang minimithi natin na matulungan sila,” ayon kay Bishop Mallari.
Dagdag pa ng obispo, maraming mga organisasyon at sangay ang simbahan na nagsasagawa ng feeding at scholarship program na maaring paglagakan ng ating matitipid.
“Mahalaga na ginagawa nating pagtulong this will also help the future of our country,” dagdag pa ng Obispo.
Sa pastoral letter na inilabas ni Manila Archbishop Luis Antonio Cardinal Tagle, hinikayat nito ang bawat isa na makibahagi sa paglulunsad ng Pondo ng Pinoy– ang Fast2Feed 2018 para sa pagpapatuloy ng pagpapakain sa mga kabataan na kulang sa nutrisyon sa pamamagitan ng P10 donasyon kada araw o P1,200 kada buwan sa loob ng anim na buwan.
Target ngayong taon ang pagpapakain sa may 20,000 mga kabataan.
Sa kabuuan may higit na sa 2 milyong kabataan ang nakinabang sa nasabing programa.
Base sa 2016 report ng Inter-Agency Regional Analyst Network at Action Against Hunger ang mababang nutrisyon pa rin ang pangunahing problema sa bansa kung saan tinatayang 3.4 milyong kabataan kabilang sa mga ito 300,000 kabataang kulang sa timbang na nasa edad 5 taon.