273 total views
Ang pagdadasal at pag-aayuno ay isang mahalagang salik sa panahon ng Kuwaresma upang muling makabalik ang bawat isa sa Panginoon Diyos.
Ito ang panawagan ni Fr. Robert Reyes, Spokesperson ng religious group na Gomburza, isang national movement ng mga religious, diocesan priests, sisters at laity na nagsusulong ng katarungang panlipunan para sa mamamayan kaugnay sa nakatakdang 9 na araw na pagkilos ng grupo bago ang anibersaryo ng People Power 1 revolution.
Ayon sa Pari ang mga kaso ng patuloy na pagpatay, kabastusan at kawalang moralidad ng maraming mga opisyal ng bayan, pagkakahati-hati ng mga mamamayan at maging ang pagtatangka ng mga mambabatas na palitan ang konstitusyon ay bunga ng pagtalikod ng bayan sa Panginoon.
Gayunpaman nilinaw ni Fr. Reyes na sa halip na solusyon ay tanging pagdadasal at pag-aayuno ang panawagan ng grupo para sa muling pagbabalik ng kaayusan sa lipunan.
“Kuwaresma na kailangan nating tumahak sa tamang landas, ang landas na sumusunod sa Panginoon, ang tingin namin parang yung mga nangyayari sa bansa natin yung pagtatangka na palitan ang konstitusyon ang patuloy na pagpatay, ang kabastusan ng moralidad ng maraming mga nakaupo, pagkakahati-hati ng mga iba ibang mga grupo, ito’y bunga ng pagtalikod sa Diyos, kaya hindi kami magpi-prescribe ng anumang solusyon pero ang panawagan, magdasal at mag-ayuno basic ito sa kuwaresma dasal at ayuno, dahil ang dasal at ayuno ay magbabalik sa ating lahat sa Panginoong Diyos…”pahayag ni Fr.Reyes sa panayam sa Radyo Veritas.
Ang 9 na araw na pagkilos na inaasahang magsisimula sa ika-17 ng Pebrero hanggang sa araw ng ika-32 anibersaryo ng People Power Revolution ay may titulong “Dasal at Ayuno Laban sa Cha-Cha, Para sa Demokrasya: Pag-amin, Pagtitika, Pagbabago at Pagkakaisa”.
Kaugnay nito ilan sa mga napiling paksa para sa 9 na araw na pagkilos ang mga usapin ng Human Rights; kalagayan ng kalikasan, mga katutubo; mga mangingisda, mga magsasaka sa ilalim ng Agrarian Reform; labor Issues; Youth; Women and Gender; Soberenya; kalagayan ng mga mahihirap at ang umiiral na demokrasya sa ating bansa.
Layunin ng pagkilos na mag-alay ng panalangin at pag-aayuno sa loob ng 9 na araw sa mismong People Power Monument (PPM) na sumisimbolo sa naging pagkakaisa ng sambayanan Pilipino upang labanan ang diktadurya 32-taon na ang nakakalipas.
Nilinaw rin ng grupong Gomburza na ang pagkilos ay hindi lamang para sa mga Katoliko’t Kristyano kundi bukas rin maging sa mga mamamayan mula sa ibang relihiyon na mayroong parehong paninindigan at panalangin para sa kaayusan at kapayapaan ng ating bayan.