750 total views
Kapanalig, narinig niyo na ba ang karaniwang sinasabi sa mga Filipino ā na marami sa atin ay mga one day millionaire? May mga nagsasabi rin na galit tayo sa pera- kapag dumating ito, ginagastos natin kaagad sila.
Ang mga salitang ito ay naglalarawan ng kakulangan sa kaalaman ng maraming Filipino ukol sa maayos na pangangalaga ng ating kita. Kadalasan kasi, kadarating pa lamang ng sweldo ay ubos na agad ito. Naiutang na kasi kapanalig, bago pa dumating ito.
Marami rin sa ating hindi nag-iimpok, lalo na sa bangko. Marami rin sa ating ang hindi gumagamit ng mga financial products na maaring magpalago ng kakarampot nating kita.
Ayon nga sa isang pag-aaral ng World Bank Group noong 2015, 41% ng kanilang nasurvey na Filipino ay hindi gumagamit ng kahit anumang financial product. Wala silang bank account. At sinabi rin nila na kadalasan, hindi sila gumagamit ng bank o financial products kasi wala silang pera, hindi nila kailagan, wala silang tiwala sa mga financial institutions, at hindi nila ma-access ito.
Kaya ngaāt mahalaga na mas maayos pa ang mga pasilidad na magpapataas ng access natin sa mga financial institutions. Marami kasi ang nagsasabi, lalo na sa mga probinsya, na distansya ang dahilan kung bakit hindi sila nagbabangko. Sa ngayon, 8.6 ang access points natin kada 100,000 katao, ayon sa sa pag-aaral ng World Bank Group . Naka-concentrate kasi sa mga syudad at urban centers ang mga bangko natin.
Ang pagkakaroon ng mas maraming bangko, malaki man o maliit, sa mas maraming lugar sa bayan ay isang paraan upang mapangalagaan ang kita ng mga Filipino. Napakarami ng ating mga OFWs. Kung karamihan sa kanila ay bank transfer ang gagawin, mas ligtas ang kanilang pera, mas makaka-ipon sila, at maari pang kumita ng interes ang kanilang pinapadala. Kapag dumadaan din sa formal channels gaya ng bangko ang kanilang pinapadala, nakakatulong din sila sa paglago ng ekonomiya.
Kapanalig, ang pag-ahon ng ating kabahayan ay nakasalalay sa maayos na pag-hawak natin ng ating pera. Ang pagbabangko ay isang paraan upang makapag-impok tayo at mapalaki pa ang ating kita. Kaya nga lamang, kung susuring mabuti, wala masyadong mga financial products na targeted para sa tunay na maralita. Exclusive pa rin ang dating ng banking system sa bansa.
Ayon sa Populorum Progressio, bahagi ng Panlipunang Turo ng ating Simbahan, dapat iwasan natin ang pagpapalago pa ng yaman ng mga mayaman at ang pagpapalakas pa ng mga nasa kapangyarihan, habang iniiwan naman natin sa dilim ng karalitaan ang mahihina nating kababayan. Hindi ito makatarungan, kapanalig, at hindi ito ayon sa ating pananalig bilang Kristyanong Katoliko. Kung accessible lamang sa mga may kaya ang mga financial facilities ng bayan, sila lamang ang magkakaroon ng pagkakataong mapangalagaan ang kanilang kita. Asan ang hustisya sa ganitong sitwasyon?