210 total views
Hinikayat ng Catholic Bishops Conference of the Philippines (CBCP) ang mga mananampalatayang Filipino na maging bahagi sa pagtatanggol ng karapatan ng mga Overseas Filipino Workers (OFW’s).
Ayon kay CBCP-Episcopal Commission on Migrants and Itinerant People, Balanga Bishop Ruperto Santos, ito ang hamon sa bawat isa lalu’t ang mga OFW tulad ni Hesus ay naglalakbay sa disyerto mahigit sa 40 araw.
“Kung makikita natin ang Kuwaresma ito ay commemoration ng journey ni Hesus ng 40-days at makikita natin na ito rin ang buhay ng ating mga OFW na sila ay naglalakbay not only forty days but also for many months and many years at talagang desert duon sa Middle East sa lahat ng sulok ng mundo na may Filipino. Alam natin ang desert ay mahirap, mabigat, mainit at ito ang nangyari sa kanila at ito rin ang nangyari ay Hesus,” ayon kay Bishop Santos.
Tinatayang may 10 milyong mga Filipino sa may 170 bansa sa buong mundo kung saan ang pinakamarami ay matatagpuan sa Saudi Arabia na may higit sa 1 milyon; sunod dito ang Japan, Hongkong at United Arab Emirates.
Sinabi ng Obispo na tulad ni Hesus ay marami ring pagsubok sa buhay ang mga OFW kabilang na dito ang kanilang relasyon sa pamilya, mga banta sa kanilang relihiyon, paniniwala, seguridad at racism.
“We will be the angels for them. We will be the one to pray for them, we will be the one to protect them and do something to prevent them from being abused or magkaroon ng kapahamakan sa kanila,” ayon pa kay Bishop Santos.
Taong 1987 ng ideklara ng CBCP ang unang Linggo ng Kuwaresma bilang National Migrants Sunday bilang pagkilala sa mga paghihirap at kabayahihan ng mga OFW at kanilang mga pamilya.