230 total views
Nagpahayag ng pagsuporta at pakikiisa ang human rights advocate group na In Defense of Human Rights and Dignity Movement (iDEFEND) sa panawagan at mensahe ng 9 na araw na pagkilos ng religious group na Gomburza upang mapaghandaan ang ika-32 anibersaryo ng Edsa People Power Revolution sa ika-25 ng Pebrero.
Ayon kay Ellecer Carlos, spokesperson ng iDEFEND, hindi nararapat na maisulong ang planong charter change ng mga mambabatas sapagkat maraming karapatan ng mga mamamayan ang maaring maisantabi na lamang.
Ayon kay Carlos, kaisa ng Gomburza ang iDEFEND sa layunin ng nakatakdang pagkilos na maipahayag ang pagtutol laban sa planong charter change na isinusulong ng mga mambabatas.
Giit ni Carlos, malaki ang magiging epekto sa lipunan at sa mga mamamayan kung tuluyang mabago ang nasa 9 na mga probisyon na may kaugnayan sa safeguards, basic rights at freedoms ng mamamayang Filipino.
“Ang layunin kasi nito is matutulan natin yung Charter Change kasi essentially itong Charter Change alam naman natin base sa pagsuri ng iba’t ibang grupo ay re-alignment ito ng elite so marami, siyam na probisyon mainly ang gusto nilang lusawin sa ating 1987 Constitution at ito yung mga safeguards and our guarantees on our basic rights and freedoms…”paliwanag ni Carlos sa panayam sa Radyo Veritas.
Kaugnay nito, ang 9 na araw na pagkilos na nagsimula noong ika-17 ng Pebrero ay may titulong “Dasal at Ayuno Laban sa Cha-Cha, Para sa Demokrasya: Pag-amin, Pagtitika, Pagbabago at Pagkakaisa”.
Pinangungunahan ang pagkilos ng grupong Gomburza, isang national movement ng mga religious, diocesan priests, sisters at laity na nagsusulong katarungang panlipunan para sa mga mamamayan.