178 total views
Walong law students ng University of Santo Tomas ang pinatalsik ng paaralan kaugnay na rin sa pagkamatay ni Horacio Castillo III.
Sa resulta ng ginawang imbestigasyon ng UST, ang walong estudyante ay lumabag sa Code of Conduct and Discipline na ang kaparusahan ay expulsion mula sa unibersidad.
“The University of Santo Tomas (UST) confirmed that the Committee tasked to investigate the death of Mr. Horacio Castillo III has issued its first resolution finding eight (8) law students guilty of violating the Code of Conduct and Discipline and imposing the supreme penalty of expulsion,” ayon sa inilabas na pahayag ng UST.
Ang UST investigation committee ay binubuo ng anim na kinatawan mula sa school administrators at Central Student Council.
Tiniyak naman ng pamunuan ng UST ang patuloy na pakikipag-ugnayan sa Manila Police District at National Bureau of Investigation hanggang sa makamit ng pamilya Horacio ang katarungan.
Noong Oktubre 2017 ay nagsagawa rin ang Office for Student Affairs (OSA) ng university-wide seminar hinggil sa anti-hazing law at inirekomenda na muling pag-aralan ang student handbook at accreditation process para sa mga organisasyon sa paaralan.
Ipinag-utos din ng unibersidad ang indefinite moratorium sa recruitment at activities ng mga fraternity at sorority sa UST. Si Castillo na isang 1st year law student ay napatay sa hazing sa kamay ng Aegis Juris Fraternity noong Setyembre 2017.
Matapos ang insidente, inaprubahan sa dalawang kapulungan ng kongreso ang panukalang batas na pagbabawal sa hazing bilang requirement para makapasok sa kapatiran.
Ito rin ang panawagan ni San Jose, Nueva Ecija Bishop Roberto Mallari-chairman ng CBCP-Episcopal Commission on Catechesis and Catholic Education sa halip ay mas isulong ang tunay ng ‘brotherhood’ ng hindi sinusukat sa pamamagitan ng pananakit.