208 total views
Panagutin ang sinumang pinagmulan ng suliranin sa Dengvaxia.
Ito ang iginiit ni Father Dan Cancino, MI,– Executive Secretary ng Catholic Bishops Conference of the Philippines Episcopal Commission on Healthcare kaugnay sa patuloy na pagdami ng namamatay na mga bata dahil sa sinasabing side effect ng dengue vaccine.
Ayon sa pari, kinakailangang palitawin ng pamahalaan sa pamamagitan ng mga pagsisiyasat, o di kaya ay kusang sumuko ang tunay na dapat managot sa pagpanaw ng maraming batang naturukan ng dengvaxia.
“Gusto nating palitawin ngayon yung issue ng tinatawag nating accountability. Dapat palitawin kung sino talaga yung accountable. Marami tayong nakita na kung sino-sino ang tinatawag ng Senado, ngayon ay sa congress ginagawa ang pagdinig, pero malaman sana natin, umamin, kung sino talaga yung accountable dito.” pahayag ni Father Cancino sa Radyo Veritas.
Nangangamba naman ang Pari na maaaring mapagtakpan ang mga dapat managot sa usapin ng Dengue vaccine, dahil sa kabi-kabilang interpretasyon na ibinibigay ng iba’t-ibang mga health professionals.
Naniniwala si Father Cancino na dapat managot ang parehong nagdaang administrasyon at ang kasalukuyan sa malawak na pinsalang idinulot ng pagkakamaling ito sa kalusugan ng mamamayan.
“Baka mapagtakpan yung issue ng accountability, dahil ngayon may lumilitaw na may mga batang namamatay, iba’t-ibang mga health professionals ang nagbibigay ng kanilang statement, baka mapagtakpan yung totoong issue. We should try to identify liabilities and make the accountable officials sa dating administrasyon, and even in the current one, is warranted to face the consequences.” Dagdag pa ng Pari.
Samantala, inihayag din ni Father Cancino na naninindigan ang Simbahang Katolika na ang usapin ng Dengvaxia ay patungkol din sa common good o ang kabutihan ng nakararami.
Giit ng pari kinakailangang ipaliwanag ng pamahalaan sa sambayanang Filipino kung ang pag-bili at pag-administer ng Dengvaxia ay tunay bang napag-aralang mabuti at kung naisaalang-alang ba dito ang special health conditions ng ibang mga bata.
“Naninindigan ang simbahan sa pagpapahalaga ng pangkalahatan o yung common good. So kinonsider ba natin yung common good, lalong-lalo na nung mga bata. And considering na mga bata ito yung kanilang resistensya o yung kanilang immune system ay hindi pa ganoon katatag.So we would like to surface here itong dalawang issue na ito, accountability and kinonsider ba talaga yung common good? Beneficial ba talaga itong vaccine duon sa mga tatanggap?” pahayag ni Father Cancino.
Tinatayang umabot sa 800-libo ang mga batang nabakunahan ng Department of Health bago pa man maglabas ng pahayag ang Sanofi Pasteur, ang French Pharmaceutical Company na nagbenta ng Dengvaxia sa Pilipinas, noong Nobyembre ng 2017, na ang naturang Dengue Vaccine ay maaaring magdulot ng mas malalang Dengue o iba pang mosquito borne diseases sa mga batang hindi pa nagkakaroon ng Dengue.
Dahil dito, nito lamang nakaraang buwan ay umabot na sa mahigit 20 ang mga batang namatay dahil sa hinihinalang epekto ng Dengvaxia.
Naninindigan naman ang Sanofi Pasteur na hindi ito magbibigay ng refund sa 3-bilyong pisong halaga ng anti-dengue vaccine na binili ng Pilipinas.