235 total views
Nilinaw ng Sangguniang Layko ng Pilipinas na nakasentro ang nakatakdang Walk For Life sa ika-24 ng Pebrero sa lahat ng mga layko na mayroong nagkakaisang paninindigan para sa buhay.
Paliwanag ni Maria Julieta Wasan – Presidente ng Sangguniang Layko ng Pilipinas, bagamat maaring makiisa at makibahagi ang lahat maging ang mga politiko, opisyal ng pamahalaan at mga kilalang personalidad sa pagkilos ay hindi naman pahihintulutan ang kanilang pagsasalita sa entablado.
Pagbabahagi ni Wasan, may mga piling indibidwal ang magsasalita para sa programa na tatalakay sa pagsusulong ng paninindigan at pagpapahalaga ng bawat isa sa kasagraduhan ng buhay.
“Kinalulungkot po naming sabihin na pang-layko po ang aming programa at wala po kaming tinitingnan na kahit anong estado ng kanyang paging miyembro kunwari in politician, pantay pantay po ang tingin namin so hindi po sila maaring magsalita kasi may mga pinili na po kami na magsasalita para sa amin…” paglilinaw ni Wasan sa Radio Veritas
Kabilang sa mga inimbitahang magsalita sa programa ay ang aktres na si Cherry Pie Picache na isang pro-life advocate at tutol sa pagbabalik ng parusang kamatayan o death penalty sa kabila ng pagpatay sa kanyang ina noong 2014.
Kaugnay nito unang binigyang diin ni Manila Auxiliary Bishop Broderick Pabillo, Chairman ng CBCP Episcopal Commission on the Laity na ang nakatakdang Walk for Life ay bahagi ng patuloy na pagsusulong sa kasagraduhan ng buhay.
Pangungunahan ni Manila Archbishop Luis Antonio Cardinal Tagle ang banal na misa para sa layuning manindigan sa buhay na hindi lamang nakatuon sa usapin ng extrajudicial killings kundi sa iba pang usapin na malaking banta sa buhay ng tao at maging ng kalikasan.
Matatandaang noong ika-18 ng Pebrero ng nakaraang taong 2017 ay umabot sa higit 20-libong indibidwal mula sa 17 mga diyosesis sa bansa ang nakiisa sa isinagawang Walk For Life na isang pagpapakita ng paninindigan ng bawat mananampalataya sa pagsususlong sa kasagraduhan ng buhay.