207 total views
Wala pang katiyakan kung hanggang kailan ang pagpapairal ng ‘deployment ban’ ng Pilipinas sa mga Overseas Filipino Workers (OFW) sa Kuwait.
Ayon kay Presidential spokesperson Atty. Harry Roque, ito ay hangga’t hindi pa nalalagdaan ang bilateral agreement sa pagitan ng dalawang bansa para sa kaligtasan ng mga OFW doon.
“Ang alam ko po ngayon, binibigyan ng priority ng ating gobyerno na magkaroon muna ng bilateral agreement kung saan dedetalyahin kung paano bibigyan ng proteksyon ang ating mga mangggagawa. At hanggang hindi napipirmahan itong bilateral agreement na ito, minamabuti natin na hindi muna magpadala ng mga Filipino sa Kuwait,” pahayag ni Roque.
“Siyempre po ‘yung naroroon na may opsyon silang bumalik, pero kung ayaw nilang bumalik ay naiintindihan natin yan. Pero wala na pong bagong ipo-process na papeles ang POEA para sa deployment diyan sa Kuwait,” dagdag pa ni Roque.
Ang deployment ban ay bunsod na rin sa pang-aabusong nararanasan ng mga OFW sa Kuwait kung saan ang pinakahuling insidente ay ang pagkakatagpo sa bangkay ni Joanna Demafelis sa loob ng isang freezer.
Sa tala, higit sa 250,000 ang mga manggagawang Filipino sa Kuwait kung saan may 1,700 na manggagawa ang umuwi sa isinagawang repatriation program ng Pangulong Duterte.
Una na ring inihayag ng Pangulong Rodrigo Duterte na maari pang palawakin ang ‘deployment ban’ sa iba pang mga bansa na may malaking bilang ng kaso ng pang-aabuso sa mga OFW.
Sa ulat, may higit sa 10 milyon ang mga Filipino sa iba’t ibang bahagi ng mundo na pangunahing nagpapaangat ng ekonomiya ng Pilipinas na base sa tala noong nakalipas na taon ay may 28 Bilyong dolyar ang pumasok na remittances.
Suportado rin ni Bishop Ruperto Santos, chairman ng CBCP-Episcopal Commission on Migrants and Itinerant People ang hakbang ng pamahalaan kasabay na rin ng panawagan sa paglikha ng mas maraming trabaho para sa mga Filipino dito sa bansa.