183 total views
Ikinababahala ng dating Bayan Muna Partylist representative ang pagiging rubber stamp ng Korte Suprema kay Pangulong Rodrigo Duterte.
Tinukoy ni dating partylist representative Teddy Casino ang pagtalima ng Supreme Court sa matinding pressure ng pangulong Duterte at mga kaalyado nitong Kongresista.
Naniniwala ang mambabatas na sa kabila ng ginagawang ito ng administrasyon ay kinakailangan pa rin na sundin ang tamang proseso ng paglilitis at ng impeachment bago tuluyang sibakin sa pwesto si Chief Justice Lourdes Sereno.
“Nakakabahala ito dahil alam natin na may presumption of innocence may due process pang ginagawa at wala pang desisyon ang impeachment body kaugnay sa kaso ni Chief Justice Sereno subalit mismong ang mga kasamahan nya sa Korte Suprema, apparently ang nagdesisyon na dapat na siyang bumitiw sa puwesto o mag leave of absence. Parang ang mismong Korte Suprema pinangunahan na yung proseso,” pahayag ni Casino sa Radyo Veritas.
Ayon pa kay Casino kinakailangang maging matatag ang Korte Suprema, panindigan nito ang kanilang pagiging independent body at isailalim sa tamang proseso ang pagtatanggal kay Supreme Court Chief Justice Lourdes Sereno.
“Maraming bersyon ang kwentong ito pero hindi maitatanggi na this is because of the pressure coming from the president at saka yung mga alyado ng presidente lalo na sa Kongreso at nakakalungkot na napakaaga namang bumigay nitong Supreme Court at parang pinain. Sana pinanindigan ng Korte Suprema yung kanilang independence at hinintay yung trial na magaganap doon sa Senado.” Dagdag pa ni Casino.
Nilinaw naman ni Atty. Josa Deinli, Spokesperson ni CJ Sereno na ang wellness leave ngayong buwan ng Marso ni CJ Sereno ay matagal nang naaprubahan ng Supreme Court en Banc.
Aniya, mayroong ganitong uri ng leave ang lahat ng mga mahistrado upang makapagpahinga at mapanatili ang maayos nilang kalusugan.
Gayunman hindi nakatitiyak si Deinli kung saan nagmula ang ulat na pilit na pinagliliban ng ibang mga mahistrado si CJ Sereno at kung totoo man ito ay lubha itong nakababahala dahil maaaring mayroon nang ibang pwersang kumokontrol sa dapat sana ay isang independent body.
Ang wellness leave ni CJ Sereno ay magtatagal ng 15-araw, at magdedepende ito sa kanyang pagpapasya kung kakailanganin pa ng mahistrado ng karagdagang oras upang makapag handa sa gagawing paglilitis ng Mababang Kapulungan ng Kongreso.
Sa bahagi naman ng Simbahang Katolika, naniniwala itong ang bawat akusado ay may karapatang dumaan sa due process at hindi dapat basta na lamang hatulan ng pangulo o sinu mang may katungkulan sa pamahalaan.