366 total views
Ibinahagi ni Radio Veritas Vatican Respondent Father Greg Gaston – Rector ng Pontificio Collegio Filipino sa Roma ang naging pahayag ng Kanyang Kabanalan Francisco sa lingguhan nitong katesismo sa mga mananampalataya.
Ayon sa Pari, nagpatuloy ang pagninilay at pag-aaral ng Santo Papa sa kahulugan ng mga bahagi ng banal na Misa at ngayong linggo, ay dumako na ito sa Liturhiya ng Eukaristiya.
Ipinaliwanag ni Pope Francis na ang paghahandog ng tinapay at alak o ang “offertory” na bahagi ng Misa ay hindi lamang paghahandog ng mga sumisimbolo sa katawan at dugo ni Hesus.
Iniulat ni Father Gaston ang pahayag ng Santo papa na ang bahagi ng pag-aalay sa banal na Misa ay mas higit pa rin sa ginagawa ng mga tao na pagbibigay ng abuloy o pagbibigay ng mga pagkain o damit sa kanilang kapwa.
Nilinaw ni Father Gaston na sa katesismo ng Santo papa ay hinihimok nito ang mga mananampalataya na i-alay ang kanilang buhay at ang kanilang sarili sa Panginoon bilang tunay na handog na lubos na kalulugdan ng Diyos.
“The right of preparation of gifts yung offertory invites us to present our own lives, so yung buhay pala natin ang kasama dun, hindi lang yung tinapay, yung [alak], yung tubig kundi yung buhay pala natin ang binibigay natin at kung hindi naman tayo nagdadala ng offertory, sana ay isama din natin yung ating sarili na “Panginoon binigay ko ang lahat sayo, hindi lang yung free time ko, hindi lang yung mga lumang damit ko, hindi lang yung mga ibibigay ko sa kolekta na mga coins o kung anu man kundi, binibigay ko po yung sarili ko sa Panginoon.” Pagbabahagi ni Father Gaston sa Radyo Veritas.
Samantala, ibinahagi rin ng Pari ang aral na nais iparating ng Santo Papa kaugnay sa pagtanggap ng sakramento ng kumpisal at paghingi ng tawad sa Panginoon.
Nilinaw ni Father Gaston na ang conversion o pagbabalik loob ay hindi lamang para sa mga masasamang tao kundi para sa lahat.
“Conversion is hindi lang naman pagiging masama o pagiging mabuting tao.Conversion ay hindi lang sa masama na magiging mabuti kundi kahit mabuti na maging mabuti pa. from good to better, from better to best. Ang confession ganun din hindi lang malalaking kasalanan, pati yung maliliit na kasalanan para maging mas mabuting tao tayo.” Dagdag ni Father Gaston
Ngayong panahon ng kwaresma hinihikayat ang mga mananampalataya na mas palalimin pa ang kanilang pakikipag-ugnayan sa Panginoon sa pamamagitan ng paghingi ng kapatawaran sa mga nagagawang kasalanan.
Ang panahon ding ito ang pinaka akma upang maipamalas sa Panginoong tumubos sa sanlibutan ang tunay na pagbabagong loob ng mga tao at pag-aalay ng kanilang buhay sa Diyos.