1,080 total views
Nanindigan ang Parish Pastoral Council for Responsible Voting (PPCRV) na hindi na dapat muling ipagpaliban ang halalang pambarangay matapos itong dalawang beses ipagpaliban simula noong 2016.
Ayon kay PPCRV National Vice-Chairman for Internal Affairs Bro. Johnny Cardenas, dahil sa paulit-ulit na pagpapaliban sa halalan ay nawawala na ang demokratikong proseso sa pagkakaroon ng kapangyarihan ng mamamayan na makapaghalal ng mga opisyal ng pamayanan.
“Hindi po dapat na ma-postpone pa ulit kasi masyadong tumagal na yung mga postponements natin at masyado naman nawawala yung demokratikong proseso ng pagpili sa mga leaders natin sa barangay…” pahayag ni Cardenas sa panayam sa Radyo Veritas.
Apela ni Cardenas, mahalagang magtulong-tulong partikular na ang mga taong Simbahan upang mapigilan ang panukalang muling pagpapaliban sa halalang pambarangay malaki ang epekto nito sa buhay ng mamamayan lalo’t isinusulong rin ang charter changes upang bigyang daan ang Federalismo sa bansa.
“I think kailangan pagtulong tulungan ng mga taong Simbahan sapagkat malaki po ang epekto sa ating buhay kung kailan pa magkakaroon tayo ng partisipasyon sa pagbabago at pagpili ng mga local government unit official. Postponement nalang ng postponement hanggang sa darating na panahon Federalism naman ang isasalang sa ating harapan.” apela ni Cardenas.
Dahil dito, hinimok ni Cardenas ang bawat isa na manindigan, ipadama at ipaabot sa mga mambabatas ang hindi pagsang-ayon sa panukalang muling postponement ng Barangay at Sangguniang Kabataan elections na nakatakda na sa ika-14 ng Mayo, 2018.
Kaugnay nito, sa ilalim ng kasalukuyang Administrasyong Duterte ay dalawang beses ng ipinagpaliban ang pagsasagawa ng halalang pambarangay kung saan ang una ay noong October 31, 2016 at noong nakalipas na taon October 23, 2017.
Una ng binigyang diin ni PPCRV Chairperson Rene Sarmiento na hindi na katanggap tanggap ang naturang hakbang sapagkat maituturing na itong paglabag sa karapatan sa pagboto ng mga mamamayan lalo’t nasasaad sa Saligang Batas na dapat ay regular na isinasagawa ang halalan bilang isang mahalagang bahagi ng pagkakaroon ng demokrasya sa bansa.
Sa isang pahayag sa Davao City, nilinaw ni Pangulong Rodrigo Duterte na hindi niya irerekomenda ang muling pagpaliban ng Barangay at SK election taliwas naman sa isinusulong na panukalang batas ni House Justice Committee chairman Reynaldo Umali na muling postponement ng nasabing halalan.