228 total views
Hindi na tungkol sa kikitaing salapi ang usapin ng pagpapatupad ng closure sa Boracay Island sa Aklan.
Ito ang inihayag ni Department of Tourism Assistant Secretary at Spokesperson Ricky Alegre kaugnay sa gagawing pagsasaayos sa kapaligiran ng isla.
Paliwanag ni Alegre, kinakailangan isantabi ng pamahalaan at ng mga pribadong mamumuhunan ang kanilang perang kikitain dahil mas mahalagang mabigyang pansin ang pagliligtas, pag-upgrade at pag-sustain sa kalikasang pinagmumulan ng kabuhayan ng mga lokal na mamamayan.
“At this point sinabi po ni Secretary Wanda Tulfo Teo, hindi po tungkol sa income na ito. We are now looking to save it, to upgrade it and to sustain it and often times, kailangan natin kumbaga we need to bite the bullet, swallow the bitter pill if we are to achieve that.” pahayag ni Alegre sa Radyo Veritas.
Pagbibigay diin ni Alegre, kinakailangan ng sakripisyo hindi lamang sa mamamayan kundi maging ng mga mamumuhunan bagamat ang ilan ay compliant sa tamang waste disposal ay apektabo pa rin sila ng krisis na kinakaharap ng isla dahil sa mga katabing establisyimento na iligal na nakatayo at hindi sumusunod sa batas.
Sinabi naman ni Alegre na kung matutuloy ang pagpapasara sa isla ay maaari din itong maging magandang oportunidad para sa mga pribadong negosyante na suriin at kumpunihin ang kanilang amenities upang mas mapag-ibayo pa ang paghahatid serbisyo sa mga local at foreign tourists na bumibisita sa Boracay.
Tiniyak ni Alegre na hindi dapat mabahala ang mga negosyante sa maaaring maging epekto sa turismo ng pansamantalang pagpapasara sa Boracay dahil para ito sa kapakanan ng lahat.
“A little sacrifice yun ang hinihiling ng inter-agency, sacrifice a little, in fact some hotels sinasabi samin if it does happen, it will be opportunity para sa kanila na magkaroon din ng general clean up, nung kanilang facility. Yung iba syempre nag-aalala sila sa epekto, ang sabi naman naming kapag na communicate ng tama ito, sa mga turista, locally and foreign, pati sila, dahil ang ganda ng Boracay pati sila susuporta dito.” Dagdag pa ni Alegre.
Sa pagtataya ng DOT noong 2017 ay humigit kumulang 2-milyong mga local at foreign tourists ang bumisita sa isla ng Boracay, at nagdala ng 56 na bilyong pisong kita sa bansa.
Matatandaang sa Encyclical Letter ni Pope Francis na Laudato Si ay ipinapaalala ng Santo Papa na kung hindi maaagapan ang laganap na paglikha ng mga basura ay magmimistulang malawak na tambakan ng basura ang buong daigdig.