169 total views
Inanyayahan ng Archdiocese of Manila Ministry on Ecology ang mga mananampalataya na dumalo sa Solar Lamp Making workshop na gagawin sa sabado ika-17 ng Marso.
Paliwanag ni Lou Arsenio – Lay coordinator ng grupo, ito ay inisyatibo ng simbahang katolika upang maitaguyod sa munting pamamaraan ang paggamit sa renewable energy.
Bukod dito, sinabi ni Arsenio na ito ay bilang pakikiisa ng simbahan sa nalalapit na pagdiriwang ng Earth Hour, kung saan magagamit ng mga lalahok ang Solar Lamps sa kanilang tahanan sa loob ng isang oras na pagpapatay ng mga ilaw.
“Dahil Earth Hour sa March 24, mayroon tayong training workshop at assembling ng solar night lamp, kayo ang gagawa ng inyong solar lamps. Sa Earth hour hindi tayo gagamit ng kuryente, kundi iilawan natin ang bahay gamit ang solar lamp na ating gagawin.” Ang bahagi ng pahayag ni Arsenio sa Radyo Veritas.
Samantala, kasabay nito ay magsasagawa rin ng eco-bricking training workshop ang Ecology Ministry upang maturuan ang mamamayan kung paano mapakikinabangang muli ang tone-toneladang tambak na mga plastic na basura sa kapaligiran.
Ipinaliwanag ni Arsenio na ang eco-bricking ay isang malikhaing pamamaraan upang ma-recycle ang mga inaakala nating wala nang silbi at patapon na lamang na mga plastic bottles.
“Iniimbitahan namin lahat ng mga interesadong tumulong para mabawasan o mabigyan ng solusyon yung ating plastic pollution. Magkakaroon tayo ng eco-bricking training workshop sa March 17 – 8am to 5pm. Ito ay libre at magdala lamang po ng sariling pagkain at ibang gamit.” Dagdag pa ni Arsenio.
Ayon kay Arsenio, sinumang nais makilahok sa eco-bricking workshop ay maaaring magpunta sa tanggapan ng RCAM Ecology Center.
Samantala, limitado lamang ang maaaring makalahok sa Solar Lamp making kaya naman inanyayahan ang mga interesado na magpatala ng maaga sa pamamagitan ng pagtawag o pagtext sa numerong 0908 869 0211.
Ang dalawang programa ng Archdiocese of Manila Ecology Ministry ay sabay na isasagawa sa ika-17 ng Marso, araw ng Sabado, simula 8:00 ng umaga hanggang 5:00 ng hapon, sa RCAM Ecology Center sa Caritas Manila Compound, Pandacan Manila.