178 total views
Dismayado sa kasalukuyang administrasyong Duterte si Sr. Mary John Mananzan, OSB – dating Co-Chairperson ng Association of Major Religious Superiors of the Philippines at Former President ng St. Scholastica’s College sa pagkawala ng tunay na diwa ng demokrasya sa bansa.
Ayon sa Madre, bahagi ng demokrasya ang malayang pagpuna ng mga oposisyon sa pamamalakad ng pamahalaan na kapansin-pansing nasisiil at pilit na hindi pinahihintulutan ng kasalukuyang administrasyon.
Partikular na tinukoy ni Sister Mananzan ang mga kaso at kasalukuyang sitwasyon ni Supreme Court Justice Maria Lourdes Sereno, Senator Leila De Lima at maging ng Rappler na mga kilalang kritiko ng Administrasyong Duterte.
“What they want is one man, is absolute power dictatorship they do not one any opposition kaya tingnan mo ang nangyayari sa opposition Rappler, si Sereno, si Leila De Lima basta nag-object ka, nagprotest ka, nagganyan ka ay ano ba yan anong klaseng democracy yan diba democracy means you have to have opposition kundi hindi ka democracy…” pahayag ni Sr. Mananzan sa panayam sa Radyo Veritas.
Samantala, nakatakda na ring tuluyang kumalas ng Pilipinas mula sa Rome Statute na siyang Treaty o tratadong lumikha ng International Criminal Court (ICC) kung saan naratipikahan ng Pilipinas noong 2011.
Sa inilabas na pahayag ni Pangulong Rodrigo Duterte kinundina nito ang sinasabing international bias ng United Nations Special Rapporteurs na pumupuna at pinalalabas na marahas at lumalabag sa karapatang pantao ang kampanya ng pamahalaan laban sa ilegal na droga.
Matatandaang nauna ng nagpahayag ng pagkadismaya si Sister Mananzan sa tila pagkawala ng dignidad ng lipunan kung saan kapansin-pansin ang kawalan ng kaayusan sa pamamalakad sa pamahalaan partikular na sa pagiging normal na lamang ng kabastusan, pagsisinungaling at pagpapakalat ng mga maling impormasyon o fake news sa ating bansa.