219 total views
Tila naging institutionalized ang drug trafficking at corruption sa pagpapawalang sala ng Department of Justice sa self confessed drug lord na si Kerwin Espinosa,,Peter Lim at paglalagay sa ‘Witness Protection Program’ kay ‘pork barrel queen’ Janet Lim Napoles.
Ayon kay Fr. Nonong Fajardo, convenor ng Huwag Kang Magnakaw Movement (HKM) at head ng Public Affairs Ministry ng Archdiocese of Manila, inililigaw ng administrasyon ang pagkakaugnay ni presidential son Paolo Duterte sa pag-abswelto sa kaso ni Espinosa sa kabila ng pag-amin nito bilang ‘supplier’ ng droga.
Nanawagan din ang pari kay Justice Secretary Vitaliano Aguirre II na magbitiw na bilang kalihim ng Department of Justice habang hinamon din ang mga mambabatas na gumawa ng hakbang para ipagtanggol ang interes ng bayan.
“Sa mga senadores at congressmen, si Kerwin ang simbolo ng institutionalized drug smuggling at si Janet naman ang institutionalized corruption, nasaan po kayo ngayon para magtanggol sa bayan. At si Gen. Bato (PNP Chief Ronaldo Dela Rosa) mukha pong tagapagkalinga kayo ng drug lord and corruption ito ang nakakalungkot na bahagi ng nangyayari sa bayan ngayon,” ayon kay Fr. Fajardo.
Kinuwestiyon ni Fr. Fajardo, ang hakbang ng DOJ na gawing ‘state witness’ si Napoles gayung isa siya sa ‘utak’ ng P10 B pork barrel scam.
Giit pa ng pari isa ang isyu ng pork barrel sa dahilan sa pagbuo noon ng Huwag Kang Magnakaw Movement bilang paghahanda sa 2016 national election.
Buwan ng Agosto 2013 nang ilunsad ang ‘A Million March’ sa Luneta Grandstand na ang pangunahing panawagan ay tanggalin na sa sistema ng pamahalaan ang ‘pork barrel’ o ‘Priority Development Assistance Fund’ system na nagiging ugat ng katiwalian.
Bukod kay Napoles, kabilang din sa kinasuhan ng ‘plunder’ kaugnay sa pork barrael scam ang may 38 mambabatas at opisyal ng pamahalaan kabilang na ang noo’y sina Senators Juan Ponce Enrile, Jinggoy Estrada at Ramon ‘Bong’ Revilla Jr.
Sa tatlong senador tanging si Revilla na lamang ang nanatiling nasa piitan makaraang payagang makapagpiyansa si Estrada habang pinalaya naman ang noo’y 91 taong gulang na si Enrile dahil sa ‘humanitarian reason’.
Sa inilabas na pahayag ng Catholic Bishops Conference of the Philippines (CBCP) ng noo’y pangulo na si Lingayen-Dagupan Archbishop Socrates Villegas hinimok nito ang administrasyon Aquino na panagutin ang lahat ng may kinalaman sa pdaf scam at pagsuporta sa ‘peoples initiave’ at ideklarang unconstitutional ang PDAF at Disbursement Acceleration Project (DAP) para sa mga mambabatas.
November 2013 – sa botong 14-0 ideklarang ‘unconstitutional’ ng Supreme Court ang PDAF.