160 total views
Hinihimok ng Diocese of San Carlos, Negros Occidental ang lahat ng nasasakupan nitong Parokya na makiisa sa gaganaping Earth Hour ngayong Sabado – ika 24 ng Marso.
Ayon kay Bishop Gerardo Alminaza, isang oras lamang ito at maliit na sakripisyo lamang kung ikukumpara sa lawak ng yaman ng kalikasan na ipinagkakaloob ng Panginoon sa tao.
Inaanyayahan ng Obispo ang bawat inibidwal na ipakita ang kanilang paggalang at pagmamahal sa kalikasan.
“Nananawagan po ako , para sa matagumpay na pagsasagwa ng Earth Hour this coming March 24, at sana everybody will make himself or herself count, kasi sa ating care for our common home sa ating pag-aalaga sa mother earth, everybody has something to contribute talaga.” Pahayag ng Obispo sa Radyo Veritas.
Dagdag pa ng Obispo, maraming bagay ang maaaring pagkaabalahan ng bawat mananampalataya sa loob ng isang oras na hindi paggamit ng elektrisidad, kabilang na dito ang pagkakaroon ng taimtim na oras upang manalangin at magpasalamat sa Panginoon sa kanyang mga biyaya at ang pagpapalalim ng pag-aaral at pagbabahagi patungkol sa encyclical ni Pope Francis na Laudato Si.
“I-challenge natin ang ating mga sarili… From time to time it’s good to pause, to pray and reflect paano natin maipapakita na grateful tayo sa mga biyaya na ibinigay sa atin ng ating maykapal. Isang suggestion din natin ay take a passage or section of laudato Si at pag-usapan yon o mag share how do you understand, how to apply or how will you practice?” pagbabahagi ni Bishop Alminaza sa Radyo Veritas.
Bukod dito, nanawagan rin ang Obispo sa mga kabataan na magkaroon ng malikhaing pamamaraan kung paano mapatataas ang kamalayan ng bawat tao patungkol sa kalagayan ng kalikasan at ang nararapat na ibinibigay na pag-aalaga at pagmamahal sa kapaligiran.
Samantala, umaasa si Bishop Alminaza na sa pamamagitan ng pinagsama-samang pagkilos ng mga Filipino na makikiisa sa Earth Hour ay makikilala rin ang Pilipinas bilang isang bansa, na bagamat maliit, ay mayroon namang malaking pagmamahal sa kalikasan.
Pagbibigay diin pa ng Obispo hindi dapat mawalan ng malasakit ang isang tao sa kalikasan dahil ang bawat indibidwal ay bahagi ng iisang katawan ni Hesukristo at naninirahan sa iisang daigdig na ipinagkaloob ng Diyos sa tao.
“Sana sa during the Earth Hour, the Philippines can register the one of the biggest if not the biggest impact because of our collective effort na ipakita talaga ang ating care for our common home. So, as we say in San Carlos Diocese, “UBUNTU, how can one be happy if the others are sad?” isa tayong katawan ni Kristo hindi tayo pwedeng maging indifferent kailangan talaga tayong makibahagi, makilahok sa makabuluhang panawagan ng sanlibutan na mag join sa Earth Hour.” Pahayag ng Obispo.
Ngayong sabado kasabay ng pagpapatay ng mga ilaw simula alas otso y medya hanggang alas nuebe y medya ng gabi ay inaasahang makikiisa ang 42 mga Parokya sa ilalim ng Diocese of San Carlos sa Negros Occidental.