169 total views
Tiwala ang Catholic Bishops Conference of the Philippines Episcopal Commission on Migrants and Itinerant People na matigil na ang pang-aabuso sa mga Overseas Filipino Workers.
Umaasa si Balanga Bishop Ruperto Santos-chairman ng CBCP-Episcopal Commission on Migrants and Itinerant People na babantayan ng pamahalaan ang pagpapatupad ng kasunduan upang hindi maulit ang mga pang-aabuso sa mga OFW sa Kuwait maging sa ibang bahagi ng mundo.
Ang dasal ni Bishop Santos matapos magkasundo ang pamahalaan ng Pilipinas at Kuwait sa pag-iral ng memorandum of agreement para sa kaligtasan ng mga Overseas Filipino Workers.
Ayon kay Labor and Employment Secretary Silvestre Bello III itinakda ang paglagda ng kasunduan sa April 7-8 sa pagitan ng dalawang kalihim ng bansa na isasagawa sa Kuwait.
“Pinag-uusapan na lang namin ng ambassador ng Kuwait kung saan kailan lalagdaan ang kasunduan,” ayon kay Bello.
Sa binalangkas na kasunduan kabilang sa tinukoy dito ang working hours ng mga O-F-W, hindi pagkuha ng passport ng mga employers at karapatan ng mga manggagawa na makipag-ugnayan sa kanilang pamilya at sa pamahalaan ng Pilipinas.
Sinabi pa ni Bello na nais sana ng Pangulong Rodrigo Duterte na siya mismo ang lumagda kasama ang Emir ng Kuwait na si Sabah Al-Ahmad Al-Jaber Al-Sabah sa kasunduan subalit posible pa itong tumagal hanggang sa pagtatapos ng Ramadan.
“Sabi nila para mapadali ang minister of labor nila at ako bilang secretary of labor,” paliwanag pa ni Bello.
Tiniyak din ni Bello sa pangulo na kabilang sa mga nakapaloob na probisyon ang tungkol sa usapin ng suweldo, working hours, day off with pay at ang hindi pagpapasa-pasa ng employer.
Nanatili naman ang deployment ban sa Kuwait hangga’t hindi naisasakaturapan ang paglagda na itinakda sa susunod na buwan sa pagitan ng mga kalihim ng dalawang bansa na isasagawa sa Kuwait.
Ang hakbang ay kaugnay na rin sa mga ulat ng mga pang-aabuso sa mga manggagawang Filipino kung saan isa sa pinakahuling insidente ang pagkakatagpo sa bangkay ng OFW sa loob ng isang freezer.
Tinatayang may 250,000 mga Filipino ang naninirahan at nagtatrabaho sa Kuwait.
Naitalang nagmumula ang 800 milyong dolyar na bahagi ng 28.1 bilyong dolyar na kabuuang remittances sa mga OFW sa Kuwait base sa 2017 report ng Bangko Sentral ng Pilipinas.