194 total views
Tanging sa Senado na lamang maaring umasa ang sambayanan para tuluyang maibasura ang panukalang Divorce Bill na nakalusot sa ikatlo at huling pagbasa sa Mababang Kapulungan ng Kongreso.
Nilinaw ni Fr. Jerome Secillano – Executive Secretary ng CBCP Permanent Committee on Public Affairs na sa simula pa lamang ay “done deal” na ang divorce bill sa Kamara de Representante matapos gamitin ni House Speaker Pantaleon Alvarez ang resources ng pamahalaan upang gipitin ang mga mambababatas at pumabor sa panukala.
“Sa kongreso lang naman wala na talaga tayong magagawa diyan, ang political climate dyan meron kang Speaker of the House na nagsusulong niyan at hawak hawak niya yung resources ng pamahalaan, tini-threathen niya yung mga Congressman. Nakikita naman natin na halos dalawa lang ang lumalaban para hindi maipasa yan they have the numbers, so i-give up na natin yan hindi na worth na makipag-patayan pa tayo diyan sa Kongreso. Ang labanan na lang nito meron pa namang Senado na ngayon malinaw na malinaw na mayroong mga Senador na tumututol…“ pahayag ni Fr. Secillano sa panayam sa Radyo Veritas.
Kaugnay nito, hinimok ng pari ang sambayanan na manalangin at himukin ang mga Senador na huwag hayaang maisabatas ang Divorce Bill na magpapahina sa matatag na pamilyang Filipino na pundasyon ng ating bansa.
Hinamon din ni Father Secillano ang mga Obispo, pari, madre at mga laiko na pag-ibayuhin ang pagmumulat sa kamalayan ng taongbayan sa kagandahan ng pag-aasawa.
Nauna rito, inihayag ni Radio Veritas President Father Anton Pascual na isang hamon sa Simbahang Katolika ang resulta ng Veritas Truth Survey na marami sa mga Filipino ang pabor sa legalisasyon ng divorce sa bansa.
Read: Pag-ibayuhin ang pagtuturo sa kahalagahan ng pag-aasawa
Naunang hinamon ni Manila Auxiliary Bishop Broderick Pabillo – Chairman ng Catholic Bishops Conference of the Philippines – Episcopal Commission on the Laity na gumawa ng mga batas na makatutulog sa pagpapatatag ng pamilya at hindi para sa pagpapahina nito tulad ng Divorce.
Giit ng Obispo, hindi solusyon ang paghihiwalay o diborsyo sa mga problema at hindi pagkakaunawaan ng mag-asawa sa halip ay siyang magpapahina sa pundasyon ng pagkatao ng mga batang mayroong magkahiwalay na magulang.