233 total views
Mas higit pa na dapat maging mapagbantay at tutulan na maisabatas ang diborsyo sa bansa.
Ito ang reaksyon ni Sangguniang Layko ng Pilipinas, President Marita Wasan kaugnay na sa resulta ng ginawang pag-aaral ng Veritas Truth Survey hinggil sa pagpabor ng mas nakakaraming Filipino sa diborsyo.
Read: Pag-ibayuhin ang pagtuturo sa kahalagahan ng pag-aasawa
Sinabi pa ni Wasan na bagama’t wala pang divorce sa bansa ay may pamilya na ring naghihiwalay partikular na sa sektor ng mga Overseas Filipino Workers (OFW).
Kaya’t ayon kay Wasan mas higit na dapat pagtuunan ang pagpapatatag ng kasal at pamilya sa halip na pagsusulong ng divorce na magbubukas ng pagkakataon sa marami na tuluyan nang wakasan ang maari pa sanang maayos na pagsasama.
“Strengthen the family and marriage kaya hindi dapat may divorce. Kaya dapat walang divorce,” ayon kay Wasan.
Ayon pa kay Wasan nanatiling ang kahirapan ang ugat ng paghihiwalay ng maraming pamilya dahil sa migration o pagtatrabaho ng ina o ama sa ibang lugar.
“Dapat ang mag-asawa may trabaho at hindi maghihirap. Kaya kung masu-sustain yun ng government so talagang pagpapalakas sa pamilya. Dapat hindi tayo nawawalan ng trabaho dito sa Pilipinas mismo para hindi naghihiwalay ang mga mag-anak. The father should not go to as OFW or the mother,” paliwanag ni Wasan.
Base sa tala may 11 milyon ang kabuuang OFW sa iba’t ibang bahagi ng mundo na ang karaniwang dahilan ay ang pagtataguyod sa pamilya dahil sa kawalan ng oportunidad sa ating bansa.
Sinabi ni Wasan sinabi may isang pag-aaral na nagsasabi na kahirapan ay nakakaapekto sa mga mag-asawa tungo sa paghihiwalay.
At ayon sa isang pag-aaral noong 2014 ni Vicente Fabella ng Jose Rizal University, isa sa bawat 4 may asawang OFW ay naghihiwalay habang dalawa sa limang anak ng mga OFW ay hindi nakakapagtapos ng pag-aaral.
Maari ding maging dahilan ang impluwensya ng media kasama na dito ang social media at paggaya sa westernize culture.
Paliwanag ni Wasan base na rin sa resulta ng Veritas Truth Survey, malaking porsiyento ng mga pumabor sa diborsyo ay pawang nasa edad 13 hanggang 40 taon na kung susumahin ay may 77 percent na bahagi ng kabuuang 39 percent na pabor sa diborsyo.