182 total views
Tuluyang mawawalan ng saysay at kahulugan ng sakramento ng kasal at pagpapamilya kung magiging madali ang proseso ng paghihiwalay ng mag-asawa kung saan parang isang paninda lamang ang diborsyo na mabibili saan mang tindahan.
Ito ang reaksyon ni Bro. Bo Sanchez founder ng Light of Jesus Community kaugnay sa isinusulong na pagsasabatas ng Divorce sa Pilipinas.
Paliwanag ni Sanchez, kung magiging madali na lamang ang paghihiwalay ng mag-asawa ay mawawalan na ng saysay ang pangakong kanilang binitawan sa harapan ng Diyos at sambayanan na pagsasama sa kabila ng anumang mga pagkukulang at pagsubok na darating sa buhay.
Ayon kay Sanchez, kung pahihintulan ang paghihiwalay ng mag-asawa sa pamamagitan ng divorce ay mawawalan na rin ng dahilan ang mag-asawa na sikaping magkasundo at solusyunan ang kanilang mga problema sapagkat napakadali o napaka’convenient’ na lamang na sumuko at bumitaw sa kanilang mga pangako sa isa’t isa.
“Kapag nag-aaway yung marriage ang approach ganito we try all we can, hindi dapat madali yung pag-separate pag ginawa mong sobrang madali na parang bumibili ka lang sa grocery ng divorce kawawa eh yung commitment mo, the definition of marriage itself ang kahulugan ng marriage ay yung for better or for worse, for sickness or in health now biglang nawala yung definition na its now convenient nalang…” pahayag ni Bro. Sanchez sa panayam sa Radyo Veritas.
Pagbabahagi pa ni Sanchez patuloy na ipananalangin ng buong kumunidad ng Light of Jesus Community ang pagkakapukaw ng kamalayan ng mga Filipino na makita ang kahalagahan ng pamilya sa pagpapatatag ng lipunan dahil malaki ang negatibong epekto sa susunod pang henerasyon ng pagkakaroon ng mga magkahiwalay o sirang pamilya.
“Im very concerned and all of us here are praying na sana we will stand by the family and the efforts of trying to save sana makita ng bawat Filipino yung kahalagahan ng family and yung value sa ating lipunan kasi kapag mawala yung family, yung marriage sa lipunan kawawa yung bansa natin for the future generations nakikita na natin sa ibang bansa na kapag under attack yung family tapos nawawala yung marriage and then you’ve got the children and they’re growing up sa broken family talagang hirap na hirap yung personal growth nila and its really the foundation, yung foundation ng country yung family” Dagdag pa ni Bro. Bo Sanchez.
Umaasa si Sanchez na sa gitna ng mariing pagsusulong sa pagsasabatas ng Divorce ay mananaig sa bawat Filipino ang pagmamahal sa pamilya at pagsusulong sa kasagraduhan ng sakramento ng kasal.
Naunang naninindigan si Radio Veritas President Father Anton CT Pascual na wake-up call sa simbahan ang survey na maraming Filipino ang pabor sa divorce.