428 total views
Magkakaloob ng 400 bahay sa mahihirap na pamilyang Filipino ang Vincentian Family bilang bahagi ng paggunita sa ika-400 anibersaryo ng pagkakatatag ng kongregasyon.
Ayon kay Rev. Fr. Gerald Borja, CM – Executive Director ng Vincentian Foundation, ang naturang mga tahanan na planong ipagkaloob ng Congregation of the Mission ay isang mahalagang simbolo ng pasasalamat at pagbabalik ng biyaya ng kongregasyon.
“Napakalawak ng spectrum ng tinutulungan ng Vincentian Family, ng Vincentian Foundation, ng Congregation of the Mission so isa lang yun sa nakita namin na tututukan namin sa mga darating na araw, yung dahil nagsi-celebrate kami ng 400 year anniversary bilang congregation mahalaga at symbolic na gagawa kami ng mga bahay para sa mahihirap 400 …” pahayag Fr.Borja, CM -sa panayam sa Radyo Veritas.
Batay sa Global Homeless Statistics, 44-porsyente ng mga Pilipino ang walang maayos at permanenteng tirahan kung saan matatagpuan sa Metro Manila ang pinakamarami sa mga ito.
Matatandaang nauna ng nagpaabot ng pagbati ang Kanyang Kabanalan Francisco sa ika-400 anibersaryo ng kongregasyon kung saan kanyang hinimok ang mga kasapi ng Vicentian Family na magpatuloy sa kanilang pagkakawang gawa sa pamamagitan ng kanilang iba’t ibang programa at serbisyo para sa mga mahihirap.