205 total views
Ang paglaban sa “fake news” ay isang hamong dapat na harapin at pagtagumpayan ng mga taong Simbahan sa pagpapalaganap ng good news o ang mabuting balita ng Panginoon.
Ito ang binigyang diin ng Kanyang Kabunyian Manila Archbishop Luis Antonio Cardinal Tagle sa kanyang homiliya sa Misa ng Krisma sa Minor Basilica of the Immaculate Conception o Manila Cathedral.
Ayon kay Cardinal Tagle, isa sa pinaka-epektibong pagbabahagi ng Mabuting Balita ng Panginoon ay ang pagsasabuhay dito at pagpapakita ng integridad sa buhay ng isang lingkod ng simbahan na tunay na pananampalataya sa salita ng Panginoon.
“Let us put a stop to fake news we are not call them consecrated to bring fake news only good news especially through the integrity of our lives.” bahagi ng homilya ni Cardinal Tagle.
Paliwanag ng Cardinal, hindi lamang sapat na sambitin at ipalaganap ang Mabuting Balita ng Diyos sa pamamagitan ng salita sa halip ay mas magiging epektibo at kapani-paniwala ito kung makikita ng mga mananampalataya na tunay itong isinasabuhay ng nagpapahayag ng mabuting balita.
Giit ni Cardinal Tagle, kadalasang hindi pinaniniwalaan at pinakikinggan ang mabuting balita ng Panginoon sapagkat isang kabalintunaan ito sa paraan ng pamumuhay ng mismong nagpapahayag ng mabuting balita.
“The good news is not just to be proclaim through words, in most instances it is better proclaimed in life, in deeds that’s integrity. Kaya hindi pinapakinggan minsan yung good news kasi hindi nakikita yung good news sa nagsasalita.” paliwanag ni Cardinal Tagle
Sa huli, hinimok ng Cardinal ang mga kabataan mula sa Manila, Pasay, Makati, San Juan, Mandaluyong at iba pang nasasakupan ng Archdiocese of Manila na makinig sa tawag ng mabuting balita ng Panginoon at pumasok sa semenaryo upang madiskubre ang kanilang bokasyon at makatulong sa pagpapalaganap ng mabuting balita.
“para po sa mga kabataan na nandito nasa Manila na tayo, yung iba nga dito nadidiskubre ang kanilang bokasyon kayo nandito na, pumasok na sa semenaryo. please young and not so young people of Manila, Pasay, Makati, San Juan, Mandaluyong open your eyes, open your eyes, open your ears the good news is being told to you, listen, listen.” apela pa ng Cardinal Tagle.
Bahagi rin ng isinagawang Misa ng Krisma ng Archdiocese of Manila ang pagkilala sa mga Jubilarians o sa mga Pari na nagdiriwang ng kanilang anibersaryo ng pagkapari kung saan 4 ang ginawaran ng pagkilala sa 25-taon ng kanilang pagiging Pari, 4 ang nagdiriwang ng 50-taon ng pagkapari, 1 ang nagdiriwang ng 65-taon ng pagkapari habang isa naman si Manila Archbishop Emeritus Gaudencio Cardinal Rosales sa dalawang Pari ng Archdiocese of Manila na nagdiriwang ng kanilang ika-60-taon sa pagka-pari.
Samantala, sa unang pagpagkakataon naman ay nakibahagi sa Misa ng Krisma ng Archdiocese of Manila si Apostolic Nuncio to the Philippines Archbishop Gabriele Giordano Caccia.