307 total views
Malugod na tinanggap ng Kanyang Kabunyian Manila Archbishop Luis Antonio Cardinal Tagle ang dalawang dating kasapi ng Aglipay na bininyagan sa pananampalatayang Katoliko kasabay ng isinagawang Easter Vigil Mass sa Manila Cathedral o Minor Basilica of the Immaculate Conception.
Sa ikatlong yugto ng Easter vigil mass sa muling pagkabuhay ay pinangunahan ni Cardinal Tagle ang pagbibinyag kina Daisy Joy De Guzman at Kaycee Estabillo na kapwa dating mga Aglipay.
Hinimok rin ng Kanyang Kabunyian ang mga nagsilbing ninong at ninong ng mga binyagan at ang mga dumalo sa misa na ipanalangin ang ganap na pagdaloy ng Banal na Espiritu sa dalawang bagong binyagan upang ganap nilang magampanan ang pagiging isang tagasunod ng Panginoon.
“My dear friends, let us pray to God our Father, that he will pour out the Holy Spirit on these newly baptized to strengthen them with his gifts and anoint them to be more like Christ, the Son of God…” apela ni Cardinal Tagle para sa mga bagong binyagang Katoliko.
May natatanging lugar ang Binyag tuwing isinagasawa ang Easter Vigil o ang Magdamagang Pagdiriwang sa Pasko ng Muling Pagkabuhay dahil ang Easter ay isang pagdiriwang din ng Binyag dahil ang muling pagkabuhay ni Hesus ay nagkakaroon ng malalim na kahulugan ang Binyag: kamatayan at muling pagkabuhay kay Hesus.
Bukod dito sa Easter Vigil ay isinasagawa rin ang Renewal ng Baptismal Promises ng mga mananamapalataya kung saan hawak ng mga nakikibahagi sa misa ang mga kandilang sinindihan mula sa bagong apoy ng Paschal Candle.
Ang renewal of baptismal promises ay pagpapaalala sa bawat isa ng halaga ng pagiging binyagan at pagkakataon na maging tapat muli dito, sakali mang hindi ito naisabuhay nang maayos.
Paalala rin ito ng kalinisang tinanggap natin sa Binyag at ang hamon na panatilihin ang kalinisang ito sa tulong ni Hesus na Siyang liwanag ng ating buhay at ng sanglibutan.