173 total views
Nananawagan si Marawi Bishop Edwin Dela Peña sa pamahalaan na pakinggan ang kahilingan ng mga Maranao kaugnay sa planong rehabilitasyon ng Islamic City.
Ayon kay Bishop Dela Peña, nawa ay bigyang pagkakataon ng gobyerno ang kahilingan ng mga taga-Marawi at magkaroon ng tinig kung paano nila nais na muling maitayo ang lungsod at kanilang tahanan na kanila ring lupaing mana.
“Sana ang mangunguna sa reconstruction dito sa Marawi ay ‘yung mga Maranao mismo sila ang pakikinggan ng gobyerno kung paano nila itatayo muli. Ang aking role dapat dito ay supporting role dapat ang mangunguna ang Maranao mismo at kung paano nila ire-reconstruct sana bigyan sila ng malaking role dito kasi sa kasalukuyan yata ay ang plano na ginagawa ay gawa ng city planners, urban developers medyo tumututol ang mga muslim dito dahil ito ay Islamic City of Marawi dapat sensitibo ito sa Islamic na pamamaraan,” paliwanag ni Bishop Dela Peña sa Radio Veritas.
Ayon kay Bishop Dela Peña, may kultura at paniniwala ang mga Muslim na dapat na isaalang-alang sa muling pagsasaayos ng lugar na nasira ng digmaan.
Paliwanag pa ng Obispo kabilang sa plano ang pagtatayo ng mga entertainment establishment na layuning makapag-engganyo ng mga turista sa lungsod na hindi naman sinasang-ayunan ng mga residente.
Paliwanag ng Obispo ang Islamic City ay kabilang sa mga lupaing mana ng mga Maranao na kanilang nais na pangalagaan at manatili ang kulturang kinagisnan.
Ang Marawi ang natatanging Islamic City sa Pilipinas na binubuo ng 96 na barangay na may higit sa 300,000 populasyon kung saan may 90 porsiyento ang mga Muslim.