206 total views
Kinakailangang maging seryoso at patas ang Department of Justice sa kanilang mandato na pagbibigay ng katarungan sa mga mamamayan sa kabila ng kanilang mga estado sa buhay.
Ito ang panawagan ni San Carlos Bishop Gerardo Alminaza, chairman ng CBCP Episcopal Commission on Seminaries sa DOJ sa gitna ng kontrobersiyal na pag-abswelto sa ilang suspected at self confessed drug lords at pagkunsidera ng paglalagay sa tinaguriang Pork Barrel Queen na si Janet Lim Napoles sa Witness Protection Program.
Giit ng Obispo, dapat na maging patas ang DOJ sa pagsusulong ng pagkamit ng katotohanan at katarungan sa kabila ng iba’t bang estado sa buhay ng mga mamamayan.
“The DOJ will be more serious in their mandate to make sure that justice is serve for everybody regardless kung ano yung status mo sa buhay o kung sino man sila”. pahayag ni Bishop Gerardo Alminaza sa panayam sa Radyo Veritas.
Dagdag pa ng Obispo, kung talagang seryoso at tapat ang pamahalaan sa pangako nitong pagsugpo sa illegal na droga sa bansa ay dapat nitong ipatupad ng patas ang batas sa mga mahihirap o mayaman na may kaugnayan sa illegal drug trade.
Kaugnay nito, sa usapin ng kampanya laban sa illegal na droga ay binigyang diin ni Bishop Alminaza na maipapamalas lamang ng pamahalaan ang tunay na sensiredad na masugpo ang illegal na droga sa buong bansa kung magkakaroon ng patas na implementasyon ng batas o due process para sa lahat ng mga pinaghihinalaang may kinalaman sa kalakalan ng ipinagbabawal na gamot mayaman man o hindi.
“Importante lang may due process pero sana naman talaga kung honest tayo at sincere sa ating effort to solve the problem of illegal drugs and drug addiction in the country we will not just wrap up itong Tokhang na yung mga poor saka mga defenseless lang ang naaapektuhan o nadadali kumbaga pero itong mga nagsi-sell, nagma-manufacture, nakikinabang talaga yung talaga ang dapat managot sana…” Dagdag pa ni Bishop Gerardo Alminaza.
Kaugnay nito, inaantabayan ngayong linggo ang cabinet revamp kung saan isa ang pangalan ni DOJ Secretary Vitaliano Aguirre II sa mga sinasabing masisesante.
Nauna na ring umapela si CBCP Vice President Caloocan Bishop Pablo Virgilio David laban sa hindi patas o ‘selective due process’ sa pagitan ng mga big time suspected at self-confessed drug lords at small time drug pushers, runners at users kung saan ayon sa mga Human Rights Advocates tinatayang nasa higit 13-libo na ang mga nasawi sa kampanya ng pamahalaan laban sa illegal na droga.