266 total views
Pabor ang mga mamamayan ng Boracay sa anim na buwang pagpapasara ng isla.
Ito ang inihayag ni Father Jose Tudd Belandres – Parish Priest ng Our Lady of the Most Holy Rosary Parish sa isla ng Boracay kaugnay sa inaprubahan ng Malacañang na pansamantalang pagsasara ng isla mula sa mga turista upang mapaigting ang rehabilitasyon nito.
Naniniwala si Father Belandres na napakahalaga ng gagawing pagsasaayos na ito sa Boracay upang maibalik ang kalakasan at kagandahan ng kanilang kapaligiran.
“Kung mga taga-Boracay mismo ang tatanungin, sila ay matutuwa kaya ang sabi nga namin kanina sa misa ay “May Boracay Rest in Peace for a while”, kailangan rin naming manahimik, alam mo naman yon na kailangang lumakas at maging maganda ulit,” pahayag ni Father Belandres sa Veritas.
Gayunman, sa kabila nito ay nangangamba rin si Father Belandres at ang mga lokal na residente ng Boracay dahil wala pa silang natatanggap na kongkretong programa ng pamahalaan kung ano ang magaganap habang nakasara ang isla, at pagkatapos ng anim na buwang closure.
Sinabi ng Pari na ilan sa mga pangamba nito ay ang posible ring pagpapasara sa Boracay Water na nagsusuplay ng tubig sa isla at ang posible ring pagkalugi ng Aklan Electric Company, na nagbibigay naman ng elektrisidad.
“Yung nakalatag talaga na what will happen, what’s the program, mga concrete programs , hindi pa yun clear kagaya ng sinabi nila over the media na meron namang mga nakalaan na trabaho sa kanila pero kung titignan mahirap pa rin… Yun yung mga pangamba at it’s really a harassment what will happen, for those who will be staying here in Boracay kagaya ko.” Dagdag pa ni Father Belandres.
Nakatakda sa ika-26 ng Abril ang pormal na pagsasara ng isla ng Boracay.
Naninindigan naman ang Simbahang Katolika sang-ayon na rin sa turo ni Pope Francis sa encyclical na Laudato Si na kinakailangang laging isaalang-alang sa pagpapasya ng pamahalaan ang kalikasan at lalo’t higit ang mga mahihirap na taong umaasa lamang dito.