225 total views
Hindi nararapat na madaliin ang usapang pangkapayapaan sapagkat maaring pangsamantalang solusyon lamang din ang mabuo mula dito.
Ito ang ibinahagi ni Atty. Edre Olalia – President ng Nation Union of People’s Lawyers at legal consultant ng National Democratic Front of the Philippines Peace Panel sa inaasahang muling pagpapatuloy ng usapang pangkapayapaan sa pagitan ng pamahalaan at ng CPP-NPA-NDF.
Iginiit ni Atty. Olalia na kinakailangan ng mahabang pasensya ng mga kinatawan mula sa magkabilang panig upang ganap na matalakay ang lahat ng mga usaping dapat na mapagkasunduan.
Nilinaw ni Atty. Olalia na sa simula’t-simula pa lamang ay magkaiba na ang pananaw ng magkabilang panig sa lahat ng mga usapin, tulad na lamang ng pagtukoy sa mga problema sa lipunang kinakailangang solusyunan at ang mismong paraan kung paano ito dapat solusyunan.
“talagang hindi madali yung solusyon kasi nga magkakaiba sila ng pananaw, magkakaiba sila ng pamamaraan, magkakaiba sila ng pagtingin kung ano talaga yung problema ng lipunan at lalong magkakaiba ang pagtingin nila paano ito susolusyunan. Hindi overnight, magiging superficial naman yung solusyon.” pahayag ni Olalia sa panayam sa Radyo Veritas.
Kaugnay nito sa ilalim ng administrasyong Duterte ay muling nabuhayan ng pag-asa ang marami sa tuluyang pagkakaroon ng kapayapaan sa bansa dahil sa malaking development at pag-usad ng dayalo ng magkabilang panig.
Ngunit dahil sa ilang mga serye ng pag-atake ng komunistang grupo sa ilang mga liblib na lugar sa bansa ay muling ipinatigil at ipinasuspendi ni Pangulong Rodrigo Roa Duterte ang usapang pangkapayapaan noong buwan ng Nobyembre 2017 matapos lagdaan ang Presidential Proclamation No. 3-7-4 sa ilalim ng Republic Act No. 10168 upang opisyal na ideklara bilang mga terrorist organization ang CPP-NPA-NDF.
Muli ring pinapaaresto ang mahigit sa 10 consultants ng CPP-NPA-NDF na naunang ginawaran ng safe conduct pass dahil sa peacetalks.
Makalipas lamang ng halos 5 buwan ay muling nagpahayag si Pangulong Duterte ng pagiging bukas sa pagpapatuloy ng naunsyaming usapang pangkapayapaan at nanawagan sa komunistang grupo na itigil na ang mga pag-atake at paniningil ng rebolutionary taxes sa mga negosyante.
Umaasa din ang mga Obispo ng Simbahang Katolika na tuluyang nang magkaroon ng positibong resulta ang usapang pangkapayapaan sa pagitan ng kumunistang grupo at pamahalaan upang matamasa ang kapayapaan sa bansa.
Taong 1960’s ng magsimula ang rebolusyon ng mga komunista sa bansa na itinuturing na isa sa pinakamatagal ng communist insurgency sa buong mundo at nagbunsod sa pagkamatay ng halos 40-libong indibidwal mula sa panig ng mga kuminista at maging sa pwersa ng pamahalaan.