255 total views
Nararapat ituring ang Araw ng Kagitingan na isang mahalaga at dakilang araw upang makapagbalik tanaw at pasasalamat sa kabayanihan at kagitingan ng mga beterano na nakipaglaban para sa karangalan at kalayaaan ng ating bansa mula sa pananakop ng mga dayuhan.
Ito ang pagninilay ni Balanga Bataan Bishop Ruperto Santos kaugnay sa ika-76 na taong paggunita sa Araw ng Kagitingan na pag-alala sa kabayanihan ng mga Filipino at Amerikanong sundalo na lumaban sa pananakop ng mga Hapon noong World War 2.
“Ang araw na ito ay dakila, ang araw na ito ay mahalaga sapagkat ang araw na ito ay pag-alala sa kabayanihan, kagitingan ng ating mga beterano mga nauna sa atin na ipinaglaban ang ating kalayaan at ang ating karangalan…” pahayag ni Bishop Santos sa panayam sa Radyo Veritas.
Hinimok rin ng Obispo ang bawat isa na ituring na hamon ang patuloy na pagpapabuti, pagpapaganda at pagpapayaman sa Pilipinas upang hindi masayang ang pagbuwis ng buhay ng ating mga bayani.
Ayon kay Bishop Santos, makalipas ang 76 na taon ay kinakailangan pa rin ng bansa ng mga magigiting na mamamayan na handang magpakasakit para sa kapayapaan at kaunlaran.
“Nag-alay sila ng buhay, sila’y nagpakasakit ito ay atin ding gawin lahat ay handang magpakasakit upang ang buhay natin ay maging maganda, maging mapayapa at maayos at ang ating bansa ay umunlad at ang ating bansa ay makaligtas, makaiwas sa mga kapahamakan, sa mga kaguluhan at magkaroon ng kapayapaan. Ating gayahin ang kanilang ginawa kung saan inuna nila ang bayan kesa sa sarili, inuna nila ang kanilang kapwa na ipagtanggol bago ang kanilang sarili, ito ang ating gawin unahin natin ang ating bansa, unahin natin ang ating kapwa…” Dagdag pa ni Bishop Ruperto Santos.
Samantala, pinangunahan rin ni Bishop Santos ang pag-aalay ng panalangin para sa kaluluwa ng lahat ng mga nasawi at dumanas ng paghihirap sa tinaguriang Fall of Bataan noong April 9, 1942 na nawa sa kabilang buhay ay kanilang maranasan ang buhay na walang hanggan at kapayapaan sa piling ng Panginoon.
“Sa araw na ito ng pag-alala sa kabayanihan at kagitingan ng mga sundalo, mga beterano na nag-alay ng buhay para sa amin upang aming maranasan ang kapayapaan at kalayaan hinahabilin namin sa iyo silang lahat yung mga nauna na, yung mga lumisan, nagbuwis ng buhay upang sila ay makatanggap naman ng buhay na walang hanggan, ng kapayapaan sa iyong piling sa langit…” bahagi ng panalangin ni Bishop Santos.
Bukod dito, partikular ring nag-alay ng panalangin si Bishop Santos hindi lamang para sa lahat ng mga naiwang kapamilya at mahal sa buhay ng mga sundalong nasawi kundi lalo’t higit sa lahat ng mga Filipino.
“Amin ding ipinapanalangin ang kanilang mga naiwan at kami rin ngayon na kung saan ay aming naranasan at kaming umaani ng kanilang pagpapawis at pagbubuwis ng buhay na kung saan bibigyan namin ng pagpapahalaga ang kanilang ipinunla na kung saan ang buhay naming ito ay aming igagalang, aming pagyayamanin, aming pagbubutihin at ang aming lupain higit sa lahat ang aming bansang Pilipinas ay aming uunahin na paglingkuran…” Apela pa ni Bishop Santos.
Kaugnay nito, ang Araw ng Kagitingan ay isa ring pag-alala sa tinaguriang Bataan Death March kung saan sapilitang pinaglakad ng mga Hapon ang mga Filipino at Amerikanong prisoners of war mula Bataan hanggang San Fernando, Pampanga.
Batay sa tala, mula sa halos 78-libong Filipino at Amerikanong sumuko sa mga Hapon, nasa 5 hanggang 10-libo sa mga ito ang nasawi.
Samantala, patuloy ang paghahandog ng maghapong libreng sakay para sa mga beterano ng MRT o Metro Rail Transit Line 3 na nagsimula noong ika-6 ng Abril at magtatagal hanggang ika-11 ng Abril bilang pasasalamat at patuloy na pagkilala sa kagitingan at katapangan ng mga beterano na hindi nagdalawang isip na ibuwis ang kanilang buhay upang maipaglaban ang ating bansa mula sa pananakop ng mga dayuhan.