327 total views
Nararapat lamang ang gagawing rehabilitasyon ng pamahalaan sa isla ng Boracay sa lalawigan ng Aklan.
Ito ang inihayag ni Leon Dulce – National Coordinator ng Kalikasan Peoples Network for the Environment kaugnay sa nalalapit na pagpapasara sa isla sa darating na ika-26 ng Abril.
Ayon kay Dulce, tunay na nangangailangan ng pag-sasaayos at rehabilitasyon ang isla dahil taong 90’s pa lamang ay lumabas na sa pag-aaral ng mga eksperto ang maaaring kahinatnan nito kung walang maayos na batas na ipatutupad para sa pangangalaga ng kalikasan.
“Matindi ang pollution ngayon sa Boracay, totoo na kailangan ng rehabilitasyon dito, totoo na kailangan na ng drastic measures kasi since early 90’s pa, tukoy na kaagad ng mga eksperto na meron talagang kailangang intervention na gawin.” Pahayag ni Dulce sa Radyo Veritas.
Gayunman, sinabi ni Dulce na bago tuluyang ipasara ng pamahalaan ang buong isla ay kinakailangang maglatag ito ng kongkretong plano sa mga lokal na residenteng maaapektuhan ng closure.
Aniya mahalagang maipaalam sa mamamayan ng Boracay ang magaganap sa loob ng anim na buwan at ano ang kanilang aasahan matapos ang pagpapasara ng isla.
“Kung seryoso talaga ang pamahalaan na linisin ang Boracay, kailangan nitong magpresenta ng masusing pag-aaral, mahusay na proposal kung paano niya itataguyod yung rehabilitasyon ng isla, kung paano niya tinitingnan ang 6 months closure na ito exactly ano yung mga components ng kanilang magiging rehabilitation why does it need a full closure for 6 months.” dagdag pa ni Dulce
Batay sa tala ng pamahalaan humigit kumulang 30-libong mga manggagawa ang maaapektuhan ng closure.
Samantala, umaasa naman ang Simbahang Katolika sa Boracay na maipapaalam din sa kanila ang mga programa ng Department of Environment and Natural Resources, Department of Tourism at Department of Interior and Local Government para sa rehabilitasyon ng isla.