188 total views
Ang kasinungalingan ay nakamamatay.
Ito ang binigyang diin Rev. Fr. Jerome Secillano–Executive Secretary ng Catholic Bishops Conference of the Permanent Committee on Public Affairs sa patuloy na paglaganap ng “fake news” o mga maling balita at impormasyon sa lipunan.
Ayon sa Pari, kung ang katotohanan ay nakakasakit ang kasinungalingan naman ay nakamamatay sapagkat mas malaki at malawak ang epekto ng panloloko at panglilinlang kumpara sa paglalahad ng katotohanan.
Paliwanag ni Fr. Secillano, dahil sa paglaganap ng fake news sa lipunan ay mas naaangkop na tanging sa salita lamang ng Diyos magtiwala ang mananampalataya sapagkat ito lamang ang mananatiling totoo dahil ang Diyos ang katotohanan na dapat kapitan at paniwalaan ng sanlibutan.
“Yung emphasis sa fake news, paano ba magiging fake ang salita ng Diyos? Ang Diyos ay Diyos ng Katotohanan, kaya kung yung Simbahan ay nagbabahagi ng salita ng Diyos, ang ibinabahagi ng Simbahan ay katotohanan, ngayon ang katotohanan ay medyo masalimuot din kasi maaring may masagasaan, may maapektuhan ika nga ‘truth hurts’ pero kapag may Fake News, kapag may kasinungalingan, Lies Kill…”pahayag ni Fr. Secillano sa panayam sa Radyo Veritas.
Kaugnay nito, lumabas sa pinakabagong Digital 2018 report ng London, United Kingdom-based consultancy na We Are Social na nangunguna pa rin ang Pilipinas sa social media usage sa buong mundo kung saan umaabot sa 9 na oras at 29 na minuto kada araw ang ginugugol ng nasa 67-milyong internet users sa bansa.
Malaking porsyenoto nito ay may social media account na ginagamit para magpost at magshare ng mga impormasyon.
Samantala, nauna ng hinamon ng Kanyang Kabunyian Manila Archbishop Luis Antonio Cardinal Tagle ang bawat isa na labanan ang Fake News sa pamamagitan ng pagpapalaganap ng good news o ang mabuting balita ng Panginoon sa pagsasabuhay dito hindi lamang sambitin at ipalaganap kundi ipakita sa gawa.