243 total views
Ilulunsad sa Sabado ang ikalawang bahagi ng mga serye ng Ecobrick at Solar lamp assembling ng Ministry on Ecology ng Archdiocese of Manila para sa darating na pagdiriwang ng Earth Day.
Naniniwala ang Archdiocese of Manila na sa pamamagitan ng mga munting hakbang na ito ay matuturuan ang mga tao kung paano masosolusyunan ang malaking suliranin ng mundo sa plastic.
Sa Sabado ika-21 ng Abril, gaganapin ang workshop sa Barangay 876, Sta. Ana, Manila simula alas otso hanggang alas tres ng hapon.
Samantala, sa mismong Earth Day naman ika-22 ng Abril, ay magkakaroon din ng workshop sa Plaza Balagtas Pandacan simula alas otso hanggang alas singko ng hapon.
Susundan ito ng isa pang eco-brick tutorial Session sa San Pablo New Land Velasquez Tondo, simula alas tres ng hapon hanggang alas sais ng gabi.
Matapos ito, sa ika-28 naman ng Abril, ay isa pang Ecobrick Public Tutorial Session ang isasagawa naman sa LPPCHEA Visitor’s Center, Freedom Island, Parañaque City.
Magpapatuloy ang workshop na ito hanggang sa susunod na buwan kung saan target naman ng Archdiocese of Manila na magsagawa din ng Workshop sa lalawigan ng Masbate.
Ngayong 2018 ito na ang magiging ika-48 taon ng pagdiriwang ng Earth Day.
Inilunsad ito noong April 22, 1970 kung saan umabot sa 20 million mga Americano ang nakiisa sa mga climate walk, iba’t ibang rallies at mga pag-aaral patungkol sa pangangalaga sa kalikasan.
Samantala, hinihimok naman ng Simbahang Katolika ang mga mananampalataya na bagamat hindi Earth day ay gawing araw-araw ang pagpapakita ng pagmamahal at pangangalaga sa kalikasan.(Yana Villajos)