324 total views
Kapanalig, mahalaga ang trabaho. Dito, hindi lamang nabubuhay ng isang indibidwal ang kanyang sarili at pamilya, maari pa niyang maabot ang kaganapan ng kanyang pagkatao. Kamusta ba ang trabaho sa ating bayan?
Ayon sa Labor Force Survey noong July 2017, ang unemployment rate sa bansa ay nasa 5.6%. Mas mataas ito ng bahagya sa unemployment rate noon July 2016 na nasa 5.4%. Base naman sa Labor Force Survey nitong January 18, 2018, nasa 5.3% na ang unemployment rate, na mas mababa sa 6.6% noong January 2017. Kahit papaano, unti unting bumababa ang dami ng mga tao na walang trabaho. Kailangan lamang, maging tuloy tuloy na ito.
Kaya lamang, kailangan pa nating ng mas mabilis na pagbabago. Ang Pilipinas kasi ang may pinakamataas na unemployment rate sa buong ASEAN, ayon sa isang report International Labour Organization noong 2015. Maliban pa dito, tumataas ang underemployment rate sa bansa, o ang dami ng mga tao na may trabaho na ngunit nais pang dumami ang oras ng trabaho, o magkaroon pa ng karagdagang trabaho, o bagong trabaho na mas mahaba ang working hours.
Ngayong Abril, pihadong tataas ang unemployment at underemployment rate dahil sa bagong graduates ng ating bayan. Kung hindi mo nalalaman, kapanalig ang pinakamataas na unemployment rate ay nasa hanay ng nakatapos ng kolehiyo. 21% ng unemployed ay nakatapos ng kolehiyo, at 43.2% ng unemployed ay nasa edad 15-24.
Kapanalig, kailangan natin ng mas mabilis na progreso sa mga isyu ng unemployment at underemployment. Ayon sa International Labour Organization, marami pang darating na mga pressure at hamon sa maraming bansa dahil mas dumadami ang workforce at ang pangdaigdigang ekonomiya ay hindi nakakapaglikha ng sapat ng trabaho para sa lahat. Ang mga isyu ng ageing at siyempre ang mga pagbabago sa uri ng mga modernong trabaho ay nagdadagdag pa ng “pressure” sa paglikha ng disenteng trabaho para sa lahat.
Ang ating bansa kapanalig, ay kailangang maging handa dito, lalot ngayong umamin ang administrasyon na hindi nito kayang tuparin ang kanyang pangakong wakasin ang endo sa ating bansa. Maraming Pilipino ang laging takot na mawalan ng trabaho. Kailangan nating masigurado na may disenteng trabaho para sa lahat.
Ang Laborem Exercens ay nagpapa-alala sa atin ng kahalagahan ng trabaho sa tao. Ayon dito, sa pamamagitan ng trabaho, naipapakita at nadadagdan ng tao ang kanyang dignidad. Sa pamamagitan nito, nababago natin ang sarili at ang ating mundo. Kaya’t masaklap na pagkukulang kung ang estado ay di kayang maglikha ng sapat na trabaho sa lahat. Ang estadong kulang sa aksyon para sa trabaho ng tao at nagpapa-asa sa wala ay estadong sakim, sinungaling, at pabaya.