1,556 total views
Kapanalig, Huwebes Santo ngayon. Ito ay isang oportunidad upang tao ay makapagnilay at magdasal.
Ang Huling Hapunan ay isang “iconic symbol.” Halos lahat ng mga tahanan ng mga Filipinong Katoliko ay may imahe nito. Sa larawang ito, kung iyong susuriin, marami ang ganap at magaganap. Sa gitna ng lahat ay si Hesus—nagbabahagi ng kanyang pagmamahal noong huling gabi na makakasama niya ang kanyang mga disipulo.
Ang pagmamahal sa naturang huling hapunan ay bittersweet, ika nga. Pero ngayon, iba na ang kahulugan ng huling hapunan. Gutom na ang kasingkahulugan nito dahil maraming tao ang laging nangangamba na ang kinain nila ng gabi ay huling hapunan na rin nila. Laging gutom at walang kasiguraduhan. Wala rin silang kasamang Kristo na nagbabahagi ng tinapay at inumin.
Ayon sa pinakahuling survey ng Social Weather Stations, mas maraming nagutom sa ating bansa nitong huling quarter ng nakaraang taon. Mga 15.9 percent, katumbas ng mga 3.6 milyong pamilya, ang kulang sa pagkain. May mga 2.8 milyong Filipino din ang nakaranas ng moderate hunger, habang 841,000 ang nakadama ng severe hunger.
Maliban dito, tinatayang isa sa tatlong batang Pilipinong may edad lima pababa ay malnourished. Umaabot ng 26% ng mga bata sa ating bayan ang yapos ng chronic malnutrition.
Hindi tulad ng mga disipulo noong huling hapunan ni Kristo, kulang sa karamay ang mga nagugutom ngayon. Kulang sa tulong ang mga salat ngayon. Ang huling hapunan dito ay kasalungat ng nakikita natin sa Huling Hapunan ni Kristo. Sa atin, ang mga gutom ay nag-iisa sa gitna ng napakaraming tao.
Ngayong Huwebes Santo, inuudyukan tayo ng Simbahan hindi lamang magdasal, kundi maging sagot sa dasal ng marami nating mga kababayang nagugutom sa ating paligid. Tumingala muna tayo mula sa katitig sa ating cellphone, at tingnan kung saan ka maaring maging Kristo sa gitna ng mga anak Niyang mas salat pa sa iyo.
Ngayong kwaresma, kapanalig, kulang ang dasal kung wala naman tayong ginagawa. Ang Gaudium et Spes ay nag-iwan sa atin ng mahalagang tagubilin: “Sa gitna ng paghihirap ng maraming tao, inuudyakan tayo ng Simbahan na makiramay sa kanila. Pakainin natin sila. Kapag hindi natin ito ginawa, kaisa na rin tayo sa mga pumapatay sa kanila. Higit pa dito, tulungan natin sila na tumayo, at tulungan din ang kanilang sarili.