356 total views
Kapanalig, Biyernes Santo na at isa sa mga katagang ating laging naalala sa araw na ito ay ang “Ama, Bakit mo ako pinabayaan?”
Umaalingawngaw na panaghoy. Ang sakit ni Kristo ay sukdulan at ang ang kanyang katawang tao ay bumibigay na sa hirap. Higit sa sakit ng mga latay ng hagupit at sugat mula sa kabigatan ng pagbuhat at pagkapako sa Krus, ay ang pakiramdam ng pag-iisa sa gitna ng paghihirap.
Ang panaghoy ng pag-iisa ay umaalingawngaw sa ating lipunan ngayon. Ang diborsyo, na pasado sa mababang kapulungan, ay magpapalakas pa lalo nito sa hanay ng mga pamilyang Filipino. Mas marami sa atin ang magtatanong ng “Bakit mo ako pinabayaan?”
Kapanalig, silipin natin ang mga datos ukol sa kasal. Ayon sa 2015 datos ng Philippine Statistics Authority (PSA), patuloy ang pagbaba ng bilang ng mga kinakasal sa ating bansa. Sa loob ng sampung taon, bumaba ito ng 20%, mula 2005 hanggang 2015.
Mas marami naman kapanalig, ang kinakasal labas ng simbahan. Apat sa sampung kasal ay sa pamamagitan ng civil rites, 36.2% sa Katolikong Simbahan, at sa ibang religious sects, 19.1%.
Habang umuunti ang kinakasal, dumarami naman ang naghihiwalay. Tinatayang isa sa limang kasal sa ating bansa ay hiwalay na. Mga 28 kaso rin ng annullment ang naipa-file sa ating bansa kada araw. Ano nga ba ang kahulugan nito?
Ang median age ng mga kinakasal sa atin ay 26 sa mga babae, at 28 naman sa mga lalake. Makikita rin natin sa opisyal na datos na one-third ng mga kinakasal na babae ay may edad 20 hanggang 24. Marami rin ang teenage brides, at may mga kinakasal pa na 15 years old o mas bata pa.
Makikita rin sa National Demographic and Health Survey (NDHS) na isa sa sampung Filipina may edad 15 to 19 ay nagsimula ng magdalang tao. Walong poryento ay nanay na at dalawang porsyento ay buntis na.
Kapanalig, bago natin buwagin ang pamilya, hindi ba’t tila mas kailangan nating gabayan ang mga kabataan at nagnanais magpakasal? Ang kasal ay ginagawa ng marami sa ngalan ng pag-ibig. Sa harap ng lahat ng hamon sa buhay, ang pag-ibig ay nababago, ngunit hindi ito nawawala. Kaya lamang, maraming mga kinakasal ang pumapasok sa sakramentong ito kulang hindi lamang sa kahandaan kundi sa kaalaman. Sa harap ng hamon sa buhay, nawawala ang paninindigan, ang commitment. Kaya’t maraming mga esposo, sa kahulihan, nanaghoy ng bakit mo ako pinabayaan?
Sa mga separada at inabandona, ang iyak na ito ay tagos sa kaluluwa. Kaya’t dapat lamang na ating proteksyunan ang pamilya. Sa simula pa lamang, kailangan huwag nating tantanan ng gabay ang mga kabataan. Paalala ng Gaudium et Spes: lahat tayo ay nararapat na pangalagaan ang pamilya. Ituring nating sagradong obligasyon ang pagproteka at pagsuporta sa pamilya.