537 total views
Mga Kapanalig, nagbabadya na ang agarang pagpapasa ng batas na gagawing legal ang diborsyo sa Pilipinas. Noong nakaraang linggo, nakapasa na sa second reading sa Mababang Kapulungan ng Kongreso ang panukalang diborsyo.
Halos kasabay nito ang paglabas kamakailan ng resulta ng survey na isinagawa noong 2017 ng Social Weather Stations o SWS, kung saan kalahati o 53% ng mga tinanong ay sumasang-ayong gawin nang legal ang diborsyo para sa mga tinatawag na “irreconcilably separated couples” o mga mag-asawang hiwalay na at hindi na kailanman mapagkakasundo pa. Tutol naman ang 32%, habang 15% ang nagsabing hindi sila makapagpasya pa tungkol sa isyu. Mas marami ngayon ang pabor sa diborsyo at mas kaunti na ang hindi sang-ayon kung ihahambing ang resulta ng pinakahuling survey ng SWS sa kinalabasan ng katulad na survey nito noong 2005. Kapuna-puna ring bahagyang malakas ang suporta ng mga Katoliko para sa diborsyo. Saan kaya nanggagaling ang paglakas ng suportang ito? Sa isang bansang 80% ang Katoliko, bakit kaya lumalaki ang bilang ng mga kababayan nating nais gawing legal ang diborsyo? Tanong itong dapat pagnilayan ng ating Simbahan.
Kapansin-pansin ding kumpara noong 2005, mas marami ngayon sa mga nasa class D at class E (o mga hindi masyadong mariwasa ang pamumuhay) ang nagsabing sang-ayon sila sa diborsyo upang palayin na mula sa isa’t isa ang mga mag-asawang hindi na mapagsasama pa. Kabaligtaran naman ito sa kaso ng mga nasa classes A, B, at C, kung saan bahagyang bumaba ang suporta sa diborsyo noong 2017. Maganda ring alamin kung bakit mas marami ngayon sa mga mahihirap nating kababayan ang bukás na gawing legal ang paghihiwalay ng mga mag-asawang sa kanilang pananaw ay wala nang pag-asang magbalikan pa. Maaari pa itong umakyat kung malalaman nilang sa panukalang batas, exempted sa pagbabayad ng filing fees ang mga “indigent” o mahihirap, at saklaw nito ang mga mag-asawang may ari-ariang nagkakahalaga ng hindi lalampas sa 5 milyong piso—mukhang ikagagalak din ito ng mga maykayang mag-asawa na nais kumawala sa isang pagsasamang hindi na mahihilom pa.
Masasabi nating ang lumalaking suporta para sa diborsyo ay maaaring salamin ng nagbabagong pagpapahalaga nating mga Pilipino sa kasal. Batay nga sa datos ng Philippine Statuistics Authority, sa nakalipas na isang dekada, mas nababawasan ang bilang ng mga babae at lalaking nagpapakasal. Kumpara sa bilang ng mga ikinasal noong 2005, bumaba nang 20 porsyento ang bilang ng mga nagpakasal noong 2015.
Ngunit hindi dapat maging dahilan ang mga ito upang hindi na pahalagahan ang grasya ng kasal sa pamamagitan ng isang patakarang maaaring maging daan upang mapababaw ang kahulugan ng pag-iisang dibdib. Ayon kay CBCP President at Davao Archbishop Romulo Valles, dapat tayong maging mapagbantay sa pinsalang maaaring dalhin ng pagsasabatas ng diborsyo. Halimbawa, ano ang garantiya sa batas na ang mga mag-asawang may katiting pang pagkakataon upang maiayos ang kanilang pagsasama ay mabibigyan pa ng pag-asang magbalikan at maging buo ang kanilang pamilya? Sa ganitong mga kaso, tungkulin ng pamahalaan, gayundin ng Simbahan, na samahan ang mga mag-asawang dumaraan sa pagsubok. Sa pag-iisang dibdib ng dalawang nangakong magsasama sa habambuhay, sa hirap at ginhawa, sa sakit man o kalusugan, hindi sila makakaasa sa kanilang lakas at pagsusumikap lamang; ito’y pagmamahalang ang Panginoon ang may-akda, pagmamahalang Kanyang pinupupos ng biyaya at binibigyan ng layunin.
Mga Kapanalig, ngayon po ay ang kapistahan ni San Jose, ang kabiyak ni Maria. Makita nawa natin sa kanya ang halimbawa ng isang taong handang tanggapin ang kanyang minamahal anuman ang pinagdaraanan nito. Sa pagkapit ni San Jose sa Panginoon, ang inakala niyang pagsubok sa pagsasama nila ni Maria ay biyaya palang tutubos sa lahat. At ito ang natatanging grasya ng pag-ibig na nakatuon sa Diyos.
Sumainyo ang katotohanan.